RAPIDO ni PATRICK TULFO
MAINIT na isyu ngayon sa Kamara ang anti-political dynasty bill na isinusulong ng Makabayan bloc sa pangunguna ni Cong. Chel Diokno.
Hindi na bago ang panukalang batas na ito at ilang beses na ring natalakay sa Kongreso pero walang nangyari dahil inuupuan ito mismo ng mga mambabatas na tatamaan nito.
Nagpahayag naman ng suporta ang Commission on Elections (Comelec) sa muling pagbuhay ng panukalang batas na ito.
Pero alam n’yo ba na mayroon nang probisyon sa Constitution ukol sa political dynasty pero bakit hindi ito naipatutupad?
Ayon kay Atty. Rex Laudiangco, wala raw kasing mga probisyon o panuntunan ukol dito kaya nga raw, sinusuportahan ng ahensiya ang pagbuhay ng naturang panukalang batas.
Sa aking panayam sa tagapagsalita ng Comelec na si Atty. Laudiangco, sa aking programa na napakikinggan sa istasyong DZME 1530lhz, naitanong ko dito na hindi ba masasagasaan ng panukalang batas na ‘yan ang karapatan ng isang Pilipino na kuwalipikadong tumakbo sa pwesto pero nagkataon lang na may kamag-anak na nahalal sa pwesto?
Malawak din ang konsepto ng panukalang batas na ito, halimbawa ano bang dynasty ang tinutukoy? Ito ba ay ang pagbabawal sa pagtakbo ng magkakamag-anak nang sabay-sabay sa iba’t ibang pwesto tuwing halalan o ‘yung tinatawag na succession kung saan papalitan sa pwesto ng kamag-anak ang isang nakaupo?
Pero sa naturan ding panayam, tinukoy ko kay Atty. Laudiangco na hindi lang sa political dynasty nanggagaling ang mga problema ng bayan natin.
Bagkus ang sistema ng paghalal natin ng kandidato sa pwesto ang dahilan kaya maraming nahahalal sa pwesto na hindi naman karapat-dapat maupo.
Ito ‘yung mga may pera, may impluwensiya at hindi lang ‘yung mga nakaupo sa pwesto.
Marami riyan ang kuwalipikadong tumakbo pero ibinasura ng Comelec ang kandidatura kasi walang pera o makinarya para mangampanya.
Sa totoo lang, ang dapat habulin ng Comelec tuwing halalan ay ‘yung mga namimili ng boto at mga gumagawa ng mga pangangampanya na labag sa patakaran na itinakda ng Commission on Elections.
Dahil sa huli nasa kamay naman ng mga botante ang pagpili ng mga kandidatong iniluluklok sa pwesto.
31
