CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI na hiwalay sa ating pang-araw-araw na buhay ang cellphone at artificial intelligence (AI). Mula paggising hanggang pagtulog, hawak natin ang teknolohiyang minsang ipinangakong magpapagaan ng buhay.
Minsan nga, nagulat pa ako dahil ang pinakikinggan ko palang music mix ay gawa ng AI kaya pala kahit anong search ay hindi ko makita ang artist o ‘yun original music sa youtube.
Ngunit habang patuloy ang pag-unlad nito, dumarami rin ang mga pag-aalala at tanong kung hanggang saan ang pakinabang, at kailan ito nagiging panganib?
Tulad na lang ng sinapit ng tatlong magkakapatid na menor de edad sa India kamakailan. Mga kabataan ito na edad 16, 14, at 12 na kinitil ang sarili matapos pagbawalan ng ama na gumamit ng cellphone. Ayon sa mga ulat, nalulong umano ang mga bata sa isang Korean “love game,” at bago ang trahedya ay nakapagsulat pa sila ng walong pahinang liham na puno ng hinanakit at pagkadismaya. Nagsimula raw ang lahat noong panahon ng COVID-19 pandemic—panahong naging kanlungan ng maraming kabataan ang cellphone, online games, at virtual na mundo.
Malinaw na isyu ito ng adiksiyon. Noong 2019 pa, kinilala na ng World Health Organization (WHO) ang gaming disorder at isinama ito sa International Classification of Diseases. Inilarawan ito bilang isang uri ng pag-uugali kung saan inuuna ang paglalaro kaysa ibang mahalagang aspeto ng buhay tulad ng edukasyon, pamilya, at kalusugan ng isip. Sa madaling salita, kapag ang cellphone ang naging sentro ng pagkatao ng isang bata, may seryosong problema.
Ngunit hindi lamang sa online games nagtatapos ang panganib. Sa Estados Unidos, idinemanda ng mga magulang ng isang 16-anyos na lalaki sa California, ang CEO ng OpenAI matapos umanong maturuan ng ChatGPT ng “methods of self-harm” ang kanilang anak. Ilang buwang nakipag-usap ang binatilyo sa AI tungkol sa suicide bago ito tuluyang nasawi. Bagama’t iginiit ng OpenAI na may safety safeguards ang sistema, inamin din nilang maaaring humina ang mga ito sa mahahabang interaksyon.
Ipinakikita ng mga kasong ito ang madilim na bahagi ng teknolohiya na kapag ginamit nang walang sapat na gabay, regulasyon, at malasakit sa mental health, maaari itong maging mapanira, lalo na sa mga kabataan na emosyonal pang hinuhubog.
Sa kabila nito, hindi naman kailangan tingnan ang cellphone at AI bilang panganib. May naitatala na ring magandang dulot ang paggamit nito.
May patunay na rin ng kung paano makapagliligtas ng buhay ang teknolohiya. Sa Sweden, isang world-first trial ang nagpakitang siyam na porsyento na mas maraming kaso ng breast cancer ang natukoy gamit ang AI-assisted screening kumpara sa tradisyunal na pamamaraan. Bukod pa rito, bumaba ng 12% ang mas mapanganib na “interval cancers,” at halos kalahati ang nabawas sa oras ng trabaho ng mga radiologist. Sa mundong mahigit 2.3 milyong kababaihan ang na-diagnose ng breast cancer at 670,000 ang namatay noong 2022, malinaw na ang AI ay hindi kaaway kundi kakampi ng medisina.
Kaya mapaiisip ka rin, hindi ang teknolohiya ang problema, kundi ang kawalan ng hangganan sa paggamit nito.
Ang cellphone at AI ay parang kutsilyo na maaaring gamitin sa pagluluto o pananakit. Kapag iniwan sa kamay ng batang walang gabay, maaari itong makasugat. Kapag ginamit nang may sapat na kaalaman at kontrol, maaari itong magligtas ng buhay.
Ang hamon ngayon ay hindi kung ipagbabawal ba ang teknolohiya, kundi kung paano ito pamamahalaan. Kailangan ng mas matibay na digital parenting, mas malinaw na regulasyon sa AI, at mas seryosong pagtrato sa mental health ng kabataan. Hindi sapat ang simpleng pagbabawal, kailangang may pag-unawa, komunikasyon, at suporta.
Kaya huwag nating itanong kung handa na ang teknolohiya para sa atin. Ang alamin ay kung handa na ba tayong maging responsable sa paggamit nito. Dahil sa mundong lalong nagiging digital, ang tunay na panganib ay hindi ang cellphone o AI, kundi ang pagkalimot natin na tao pa rin ang nasa likod ng screen.
10
