MAGHAHAIN ang dalawang abogado ng Verified Complaint for Impeachment laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin M. Garcia at anim na kasalukuyang Commissioner sa House of Representatives.
Inakusahan ng mga abogadong sina Eldrige Marvin B. Aceron, Founding Partner ng Aceron & Attorneys at Founder ng Aceron Public Interest and Legal Association (APILA), at Sikini S. Labastilla, kapwa co-founder ng Project Damaskus Lawyers, ang mga respondent ng culpable violation ng Republic Act No. 8436 (Automated Election System Law), betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen na nag-ugat sa mga dokumentadong maling gawain sa loob ng institusyon sa dalawang magkasunod na halalan.
Si Aceron ay Founding Partner ng Aceron & Attorneys at Founder ng Aceron Public Interest and Legal Association (APILA) at co-founder ng Project Damaskus Lawyers kasama si Labastilla.
Sa Article I, inaakusahan nina Aceron at Labastilla ang mga opisyal ng Comelec ng culpable violation ng RA 8436 dahil sa paggamit ng software version 3.5.0 sa lahat ng 110,000 automated counting machines noong halalan ng Mayo 12, 2025 — isang bersyon na hindi ang source code na isinailalim sa mandatory Source Code Review. Inamin ito ni Chairman Garcia noong Hulyo 14, 2025 sa pagsasabing “walang walang wala po. Talagang 3.5.0 version tayo.”
Sa Article II, kinasuhan ng dalawang abogado ang mga opisyal ng betrayal of public trust dahil sa pag-install at pagpapatakbo ng isang hindi awtorisadong intermediary server na tinawag na “Data Center 3,” kung saan dinaan ang lahat ng resulta ng halalan noong Mayo 12, 2025 bago makarating sa limang accredited transparency servers — na nagresulta sa kawalan ng datos para sa PPCRV at NAMFREL sa loob ng mahigit dalawang oras matapos magsara ang botohan. Inamin ni Garcia ang pagkaantala kinabukasan.
Sa Article III, inaakusahan si Garcia ng betrayal of public trust dahil sa umano’y pagtatago, noong halalan ng Mayo 9, 2022, ng paggamit ng iisang private IP address — 192.168.0.2 — para sa 20,300 vote-counting machine modems, na inamin lamang labing-apat na buwan matapos ang halalan nang maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang citizen investigators upang mapanatili ang telco transmission logs na maaaring magpatunay sa pinagmulan ng mahigit 20 milyong boto sa unang oras ngunit pinabayaan umanong mag-expire ang mga log na ito at kalaunan ay nasira.
Kalaunan, nangako si Garcia ng manual recount ng mga balota noong 2022, pormal itong inaprubahan ng Commission en banc, ngunit wala umanong aksyon na isinagawa. Sa G.R. No. 273136 (Agosto 20, 2024), hayagang kinilala ng Korte Suprema na nagkaroon ng official inaction ang Komisyon dahil sa paglabag sa sarili nitong mga panuntunan.
Sa Article IV, inaakusahan ang mga Comelec official ng betrayal of public trust dahil sa umano’y sistematiko at piling pagpapatupad ng campaign finance laws na pabor umano sa mga senador na kaalyado ng administrasyong nagtalaga sa kanila — kabilang ang pag-abswelto kina Senator Chiz Escudero (P30-milyong donasyon mula sa contractor) at Senator Rodante Marcoleta (P75-milyong hindi idineklarang donasyon) sa kabila ng natuklasang hindi pagsunod sa batas ayon sa sariling Political Finance and Affairs Department ng Komisyon.
“Dalawa sa pitong respondent — sina Commissioners Ferolino at Bulay — ay magtatapos ang termino sa Pebrero 2, 2027. Kaya’t ang pagkakataon para panagutin sila sa kanilang papel sa transmission anomaly noong 2022 ay papalapit nang magsara,” paliwanag ni Aceron kung bakit ngayon lang sila nagsampa ng kaso laban sa mga opisyal ng Comelec.
“Si Garcia naman ay mangangasiwa sa halalan sa 2028 gamit ang parehong hindi isiniwalat na transmission architecture, kaparehong padron ng pagtatago ng ebidensya, at kaparehong piling pagpapatupad ng batas na siyang paksa ng reklamong ito. Hindi ito dapat mangyari nang walang pormal na rekord na humihingi ng pananagutan,” dagdag pa niya.
Naniniwala sina Aceron at Labastilla na malayo na ang kasalukuyang Comelec sa dating imahe nito na marangal na institusyon.
“Ang COMELEC ay minsang pinamunuan ni Haydee Yorac, na nagawang pasunurin kahit ang mga warlord sa gun ban. Ni Hilario Davide Jr., na namuno sa unang malayang halalan matapos ang diktadurya ni Marcos at kalaunan ay nangasiwa sa panunumpa sa EDSA. Ni Regalado Maambong, Constitutional Commissioner, na tumulong bumalangkas ng mismong mga probisyong pinagbabatayan ng reklamong ito at nagtaguyod ng automation law na nilabag ni Garcia,” ani Labastilla.
“Kung ihahambing sa pamantayang iyon, ang Komisyong ito ay nabihag na. Ipinapaalala ng reklamong ito ang hamon ni Apolinario Mabini noong Abril 1898 sa mga rebolusyonaryong Pilipino: dapat tayong maglakad sa makitid na landas ng dangal at kabutihan, sapagkat dito lamang natin matatagpuan ang tunay na kalayaan. Pinili ng COMELEC ni Garcia ang malawak at madaling landas. Ang reklamong ito ang pumili ng makitid,” dagdag ni Aceron.
Ang reklamo ay sabay na ihahain nina Aceron at Labastilla sa House of Representatives, at ipadadala ang mga kopya sa mga miyembro nito kasabay ng paghahain, alinsunod sa Article XI ng 1987 Constitution at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema ukol sa impeachment proceedings. Ipalalabas din ito sa publiko at sa lahat ng media organizations.
Ang unang hakbang na gagawin ng mga naghain ay ang pagkuha ng endorsement mula sa isang miyembro ng Kongreso.
Sinomang Miyembro ng House of Representatives na mag-eendorso ng reklamo bilang co-complainant alinsunod sa Article XI, Section 3(2) ng 1987 Constitution ay makikilahok sa mekanismong konstitusyonal para panagutin ang mga opisyal ng Comelec bago ang halalan sa 2028. (EG)
67 