PANGAMBA NG MGA MANGINGISDA

TINGNAN NATIN

HINDI biro ang hanapbuhay na pangingisda.

Tingnan Natin: pumapalaot, nabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi, inaalug-alog ng mga alon, at nangangamba sa pagsama ng panahon, at maging sa mga pirata.

Ang masaklap, ayon sa mga mangingisda natin dito sa Zambales, sa West Philippine Sea dagdag na inaalala ang mga barko at iba pang sasakyang pandagat ng mga Intsik.

Paano ba naman, binubunggo ang bangka at iniiwan ang mga mangingisdang lulutang-lutang, makaligtas o malunod, bahala na si Batman.

Tingnan Natin: totoo naman ang pangamba dahil kailan lang, isang bangkang pangisdang Pinoy ang pinalubog ng mga Intsik at 22 sa kanila ang iniwanang kakawag-kawag sa karagatan.

Mabuti na lamang at hindi naglaon ay dumating din ang barko ng mga Vietnamese at nailigtas sa kamatayan ang 22.

Wasak ang bangka, wala ring kita ang mga mangingisda.

Tingnan Natin: ang tagal bago nagsalita ang pangulo at nang magsalita ay mistulang inabsuwelto ang mga Intsik.

Ngayon, lalong tumindi ang pangamba ng mga ma¬ngingisda dahil lumalabas, wala silang aasahang protek¬syon mula sa pamahalaan.

Walang proteksyon mula sa Philippine Navy, walang proteksyon mula sa Philippine Coast Guard, at lalong wala mula sa presidente ng bansa.

Tingnan Natin: nangangamba ang mga asawa, anak at iba pang kapamilya ng mga mangingisda rito sa Zambales sa tuwing sila’y papalaot.

Kung dati’y ang pangamba ay makahuhuli ba ng isda na ang mapagbebentahan ay sasapat sa kanilang mga pangangailangan, ngayo’y pangamba pa rin kung madadale ba sila ng mga Intsik, hindi lamang ng sama ng panahon.

Ang ibinigay na tig-P10,000 ng DOE at DA ay pampalubag-loob at hindi gagamot sa perwisyong inabot ng buhay ng buong pamilya ng bawat isa sa 22 mangingisda.

Tingnan Natin: hanggang hindi naninindigan ang Malacañang para sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, hindi tayo rerespetuhin ng mga Intsik.

Mauulit nang mauulit ang katulad na insidente at ang mga mangingisda at kanilang pamilya ay patuloy na ma¬ngangamba na kahit hindi masama ang panahon, maaaring may masamang mangyari sa kanila. Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

177

Related posts

Leave a Comment