MGA SAKIT NA NAKUKUHA SA LAMOK

LAMOK-1

(Ni Cherk Balagtas)

Hindi lang pamamantal at pangangati ng balat ang naidudulot ng mga kagat ng lamok, ang mga ito ay posibleng may dala ring mga sakit na mapanganib sa buhay ng isang tao.

Kapag ang lamok ay nakakagat sa isang hayop o tao na apektado ng isang partikular na sakit, ang virus o parasitiko ay maaaring kumapit sa laway ng lamok, at saka makakahawa sa susunod na tao na kanyang kakagatin.

Sa buong mundo, hindi bababa sa 1 milyong tao ang apektado ng mga sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok kada taon. At kabilang sa mga sakit na ito ang Dengue Fever at Malaria na kilalang pinoproblema ng Pilipinas.

DENGUE FEVER

Ang dengue ay isa sa mga pinakalaganap na sakit na nakukuha mula sa lamok. Ang sakit na ito ay nakaaapekto at pinoproblema pa rin hanggang sa ngayon sa America, Africa, at Asya, kabilang na ang Pilipinas. Ang nakamamatay na sakit na ito ay dulot ng isang uri ng virus na naipapasa ng mga lamok na Aedes aegypti o Ae. albopictus. Ito’y nagdudulot ng matinding lagnat na maaaring makamatay kung mapapabayaan.

Ang mga pangunahing sintomas ng dengue ay mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kasu-kasuan, at ‘rashes’ na kamukha ng nakikita sa tigdas. Ang malalang uri ng dengue fever na dengue hemorrhagic fever, ay nagdudulot ng pagdurugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan ito ang kinakatakutang komplikasyon ng dengue sapagkat kapag hindi naagapan, ito’y nakamamatay. Sa kasalukuyan, walang gamot na pumupuksa sa virus na may dala ng dengue. Sa halip, sinisigurado na ang pasyente ay may sapat na tubig sa katawan at may sapat na ‘platelet’ upang labanan ang pagdurugo.

Buwan-buwan ay may mga kaso ng dengue na naiuulat sa Pilipinas. Ngunit dahil lamok ang may dala ng sakit na ito at ang mga lamok ay mas dumarami tuwing tag-ulan, mas maraming kaso ng dengue tuwing Hulyo, Agosto, at Setyempre, ayon sa datos ng Department of Health. Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng sakit na ito, bata man o matanda, subalit mas karaniwang malala ang sakit sa mga bata at sanggol.

MALARIA

Ito ay sakit na matagal nang natukoy magmula pa sa mga lumang panahon ng Tsina at Sumerya. Ang sakit ay dulot ng parasitikong Plasmodium na sumasama sa kagat ng lamok na Anopheles. Ito ay isang malalang sakit na nagdudulot ng pabalik-balik na lagnat at nakamamatay kung hindi magagamot. Ito’y nakaaapekto sa maraming bansa na nasa rehiyong tropiko, kabilang na ang Pilipinas. Wala pa ring gamot o bakuna na makalulunas sa sakit na ito.

Ang malaria ay dulot ng impeksyon ng ilang uri ng parasitikong Plasmodium na kadalasang naipapasa naman sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ito ay nagdudulot din ng panginginig ng katawan o kombulsyon, at nakapagdudulot ng kamatayan sa humigit-kumulang isang milyong katao sa buong mundo kada taon.

Ito ay nakaaapekto sa ilang mga bansa sa mundo partikular sa Africa, Gitnang Amerika, Timog Asya, at Timog-Silangang Asya, kabilang na ang Pilipinas. Noong 2013, tinatayang aabot na lamang sa 7,500 ang kaso ng malaria sa ilang mga probinsya ng Pilipinas na pinakamataas ay sa isla ng Palawan. Ang mga kasong ito ay bumaba na ng 83% mula 2005.

Naipapasa ang sakit na ito sa pamamagitan ng kagat ng apektadong lamok. Ang parasitiko ay mananatili sa atay hanggang sa ito ay lumaki at saka umaatake sa red blood cells ng dugo upang magparami. Sila’y naghihintay naman ng bagong kagat ng lamok upang sumama sa laway nito at makapanghawa muli sa panibagong indibidwal.

Ang mga parasitikong Plasmodium ay maaari ring maipasa ng ina sa kanyang bagong silang na anak, sa pagsasalin ng dugo, o kaya sa paggamit ng karayom na naunang tinurok sa apektadong tao.

Ang mga taong naninirahan sa mga lugar na talamak ang sakit gaya ng mga bansang nasa rehiyong tropiko ang may pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng malaria. Mataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito sa mga kabataan, mga dayuhang manlalakbay at mga inang nagbubuntis. Ang kakulangan ng kaalaman, kahirapan, at kakulangan ng kalingang pangkalusugan ay nakapagpapataas din ng panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ang malaria ay maaaring makamatay sapagkat maaari itong makaapekto sa ilang mahahalagang bahagi ng katawan. Maaari itong magdulot ng ilang kondis¬yon sa utak gaya ng pamamaga at pagkasira nito. Maaari rin nitong maapektuhan ang daluyan ng paghinga, atay, lapay at bato. Maaari rin itong magdulot ng malalang kaso ng anemia at pagbagsak ng lebel ng asukal sa dugo.

CHIKUNGUNYA

Ang sakit na ito ay pinakalaganap sa mga isla ng Caribbean sa Gitnang Amerika. Ito ay may sintomas na lagnat at matinding pananakit sa mga kasu-kasuan. Tulad ng dengue, ikinakalat din ito ng lamok na Aedes aegypti o Ae. albopictus. Sa ngayon ay wala pa ring gamot o bakuna laban sa sakit na ito.

Ang Chikungunya ay isang sakit na dulot ng virus na taglay ng mga lamok. Ayon sa World Health Organisation (WHO), ito ay unang nadiskubre sa Tanzania, isang bansa sa Africa, noong 1952. Lagnat at pananakit ng kasukasuan ang pangunahing sintomas nito, kasama ang sakit ng ulo at rashes, kaya maaari itong mapagkamalang dengue fever.

Ito ay nakukuha sa kagat ng lamok. Partikular, ang mga lamok na Aedes aegypti o Aedes albopictus ang siyang may dala ng sakit na ito. Ang Aedes aegypti ay maaari ring magdala ng dengue fever. Dahil ang mga lamok ay lumalaganap sa kasagsagan ng ulan, tumataas din ang risk na makakuha ng sakit na ito tuwing tag-ulan, o kapag katatapos lang ng mga bagyo.

Ang Chikungunya ay naitala sa maraming mga bansa sa Gitna, Timog, at Kanlurang Africa, Timog Asya at Timog-Silangang Asya, kabilang na ang Pilipinas, Indonesia, Thailand, Vietnam, Malaysia. May ilang mga kaso na rin na nailata sa Estados Unidos at mga karatig-bansa.

YELLOW FEVER

Ito ay isa ring lumang sakit na nakaaapekto sa mga bansang nasa rehiyong tropiko sa Amerika at Africa. Bagaman ang sakit na ito ay hindi na masyadong laganap dahil sa nabuong bakuna laban dito, umaabot pa rin sa halos 200,000 kaso ng sakit kada taon, at pagkamatay na umaabot sa halos 30,000 kada taon.

EASTERN EQUINE ENCEPHALITIS (EEE)

Ang EEE ay isang sakit na naipapasa ng lamok mula sa mga kabayo papunta sa tao. Ang sakit na ito, na dulot ng virus, ay nakaaapekto sa utak ng tao at maaaring magdulot ng malulubhang komplikasyon at maging pagkamatay kung mapapabayaan. May sintomas ito na lagnat, pananakit ng ulo at matinding sore throat. Ikinakalat ito ng mga lamok na Culex species at Culiseta melanura sa mga lugar sa Amerika at sa mga isla ng Caribbean.

ST. LOUIS ENCEPHALITIS (SLE)

Ito ay sakit na naipapasa ng lamok mula sa ibon papunta sa mga tao at iba pang hayop. Laganap ito sa bansang Estados Unidos at sa mga isla ng Caribbean. Higit na nakaaapekto sa mga bata na ang edad ay 20 pababa at sa mga matatanda na may edad 50 pataas. May sintomas din na kahalintulad ng EEE, at naikakalat ng lamok na Culex species.

LACROSSE ENCEPHALITIS (LAC)

Ang LaCrosse Encephalitis o LAC ay bibihira lamang na sakit at naikakalat lamang ng lamok na Aedes triseriatus sa mga lugar sa paligid ng rehiyong Appalachian sa Hilagang Amerika. Bihira ang kaso ng pagkamatay sa sakit na ito.

WEST NILE VIRUS (WNV)

Ang West Nile Virus ay sakit na nagmula sa Africa at kumalat sa Europa at Gitnang Silangang Asya. Tulad ng SLE, ang WNV ay naikakalat ng lamok (mula sa Culex species) mula sa mga ibon patungo sa mga tao at iba pang hayop. Kadalasang walang sintomas na nararanasan sa pagkakaroon ng WNV, ngunit ito ay maaaring makamatay dahil sa pamamaga ng utak.

1918

Related posts

Leave a Comment