MAHIGPIT PANG PROSESO, SCREENING SA PAGPAPALABAS NG MGA PINOY DH

POINT OF VIEW

Matulungan sana agad ng ating gobyerno ang daan-daang overseas Filipino workers (OFWs) na humihingi ng tulong upang maibalik na sila sa bansa na karamihan ay biktima ng illegal recruiters at ngayon ay nagsisiksikan sa ating konsulada sa Dubai at United Arab Emirates (UAE).

Umapela ang isa sa kanilang naging kasamahan na nakabalik na sa bansa, na sana ay matulungan ni Pangulong Rodrigro Duterte na maibalik sa bansa ang mahigit sa 300 undocumented OFWs na ngayon ay dumaranas ng hirap at kawawa ang kanilang kalagayan sa ating embahada sa UAE.

Karamihan sa distressed OFWs na ito ay undocumented domestic helpers na mga biktima ng mga mapagsamantala at manlolokong illegal recruiters na nanlimas ng kanilang bulsa para sa hangad na makapunta at makapagtrabaho sa ibang bansa.

Nakikisimpatiya at naawa tayo sa sinapit ng ating mga kababayang ito para sa kanilang pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita ng malaki upang kanilang maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas, mapag-aral ang kanilang mga anak, at makapagpatayo ng bahay o kaya’y negosyo.

Bago tayo pumayag at maglabas ng pera para sa placement at kung anu-ano pang mga bayarin, kailangang siguraduhin muna natin kung legal ba ang operasyon ng kanilang recruitment agency.

High tech na tayo  ngayon, kahit nakaupo ka sa iyong bahay, basta may android kang cellphone at may data, maaari mo nang i-check mula sa Philippine Overseas Employment Administration at Department of Labor and Employment at  iba pang kinauukulang government agency kung ang ibinibigay na pangalan ng kompanya ng isang recruiter ay legal o illegal o talagang mayroong job vacancies sa inaalok  nilang trabaho sa inyo.

Lalo na yaong mga ina­alok na direct hiring, dito tayo maging maingat lalo na kung hindi mo talaga kakilala ang iyong kausap. Dito karamihan napapahamak at nabibiktima ang ating mga kababayan sa pang-aabuso ng mga employer, panggagahasa at kung minalas-malas ka pa, uuwi kang bangkay, dahil batid ng mga abusadong employer na wala kang laban dahil undocumented ka.

Sa ating gobyerno, bumuo pa sana kayo ng mas mahigpit pang polisiya at proseso upang madaling madetermina kung legal o illegal ang mga lumalabas nating mga kakababayan na gustong magtrabaho sa labas ng bansa. (Point of View /NEOLITA R. DE LEON)

133

Related posts

Leave a Comment