Maituturing na “Solomonic” ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagpili ng speaker sa Mababang Kapulungan sa gitna ng pagtatapos ng termino ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Term-sharing ang naging formula ni Pangulong Duterte kung saan si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang unang uupong speaker sa loob ng 18 buwan samantalang si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay magiging speaker sa susunod na 22 buwan o hanggang Hunyo 30, 2022.
Habang naghihintay pa ng kanyang term-share si Velasco, siya ang magiging chairman ng makapangyarihang Committee on Appropriations kung saan nagsisimulang buuin ang national budget.
At bilang pakonswelo kay Leyte Rep. Martin Romualdez na kandidato sa pagka-speaker ng Lakas-UMD party, siya ang hinirang ng pangulo na maging Majority Leader na siyang bastonero ng mayorya ng mga kongresista na boboto kay Cayetano.
Ang malaking tanong ay kung ano ang mangyayari kay Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na unang napabalitang kandidato sa pagka-speaker ng Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Dahil kay Velasco na mapupunta ang Committee on Appropriations, malamang na kay Ungab mapupunta ang Ways and Means Committee kung saan naman nagmumula ang mga panukalang batas tungkol sa buwis gaya ng sin taxes o buwis sa alak at sigarilyo.
Walang duda na political accommodation ang mangyayaring kauna-unahang term-sharing sa speakership at ito ay para mapreserba ang koalisyon ng mga partido sa Kamara na sumusuporta kay Pangulong Duterte.
Ang “Solomonic” decision ng pangulo ay para na rin mabuhusan ng malamig na tubig ang mga kumakalat na balita na namimili ng boto ang mga “speakerables” at mismong si Cayetano ay nagkakalat ng balitang ito para siraan ang kanyang mga katunggali at mapalakas ang kanyang posisyon na maging speaker.
Galing naman kay dating Speaker Pantaleon Alvarez ang impormasyon na namumudmod ng mula P500,000 hanggang P1 milyon ang ilang mga kandidato sa pagka-speaker bagama’t hindi niya pinangalanan ang mga ito.
Kaya marahil pinauna si Cayetano bilang speaker sa unang 18 buwan ay para tumahimik ito sa isyu ng “vote buying” ng ilang mga kandidato sa pagka-speaker na alam naman ng mga kongresista kung sino ang mga ito.
Higit kailanman, kailangan ni Duterte ang solidong suporta sa Mababang Kapulungan sa gitna ng mga bantang impeachment laban sa kanya na may kinalaman naman sa isyu ng China partikular ang pagbangga ng Chinese fishing boat sa bangka ng 22 mangingisdang Filipino sa Recto Bank.
Buhay pa rin ang planong pag-amiyenda sa Saligang Batas para isulong ang Pederalismo kapalit ng kasalukuyang sistema ng pamahalaan na nahahati sa executive, legislative at judiciary. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
118