BAGONG PAG-ASA… SANA!

Psychtalk

Una akong nakabalik ulit sa puso ng Maynila kahapon: Binondo at Divisoria area – para katagpuin ang ilang kaibigan sa isang mall sa area.

May halong antisipasyon sa kung ano ang magandang makikita ko dulot ng bagong puno ng lungsod. Nakakaengganyo kasi ang hype ngayon sa social media at balita.

‘Di naman ako gaanong naaliw sa nakita bagamat may naobserbahang positibong pagbabago. Medyo mas lumuwag nga ang trapiko kaysa dati. Maalwan nang kaunti ang pakiramdam para sa mga motorista. Kung mayroon kasing pagbabago sa pisikal na kapaligiran, lohikal na kasunod nito ang pag-ayos din sa isip at damdamin.

Sana nga umpisa pa lang ito ng mas malalaking pagbabago. Panahon naman na siguro na malinis ang mga estero,Ilog, lansangan at komunidad ng siyudad lalo na sa mga mahihirap na barangay.Kasi hindi naman nangangahulugan dapat na katumbas ng kahirapan ang karamihan ng paligid.

Nasabing national capital ang Maynila pero mukha na itong patay na siyudad. Dahil hinayaan din ng mga nagdaang pamunuan nito na tuluyan itong masira. Sa halip na i-restore, hinayaang lumutin o anayin ang mga istrukturang maituturing na historical landmarks. Hinayaan na ring tuluyang masalaula ng basura ang mga lansangan at daluyan ng tubig.

Hanggang ang mga eskinita at mga kantu-kanto nito ay pinamugaran na rin ng mga tinaguriang dumi ng lipunan: mga kawatan, manloloko, adik, at kung anu-ano pa. Kaya’t ‘pag nababanggit ang Maynila itong mga huling panahon, may takot at pagkadismaya ang nararamdaman ng marami.

Marahil mahalaga ang mensahe na ang bagong mayor ay dating paslit na nagkalkal ng basura sa Smokey Mountain. Sino pa nga ba ang mas makakaunawa kung ano ang pakiramdam at amoy ng basura kung hindi siya? Walang pinakambuting guro kundi karanasan, ‘ika nga.

Kaya’t marahil mas malalim din ang kagustuhan niyang malinis ang siyudad na naging lunduyan ng mga pangarap niya. Sana nga, hindi lang ningas-kugon o pagpapapogi sa media ang ating nakikita. Sana walang filibuster o kontra lalo na galing sa mga posibleng nasasagasaan ng mga bagong patakaran. Isipin ang mas malawak na kapakinabangan, hindi ang sarili lang.

At sana rin, makipagtulungan ang mga nasasakupan niya para magtagumpay anuman ang pinapangarap para sa pangunahing siyudad ng bansa. Ang kapital na siyudad din kasi ang pangunahing sukatan ng karakter ng isang bansang nagwawagayway nito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

240

Related posts

Leave a Comment