JUSTICE SYSTEM MUNA ANG AYUSIN BAGO DEATH PENALTY

POINT OF VIEW

Pursigido talaga si Pangulong Rodrigo Duterte na pagtibayin ng18th Congress ang panukala na ibalik ang parusang bitay sa loob ng nalalabi nitong tatlong taong panunungkulan.

Isa ito sa naging pangunahing hiling ng Pa­ngulo sa harap ng mga mambabatas mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa inilahad sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Inamin ni Duterte na ang katiwalian sa gobyerno at ang illegal drugs ang pangunahin pa ring problema at banta sa bansa.

Sa problema sa illegal drugs, noong manalo at maupo ang pangulo ipinangako niya na ang problemang ito ay kanyang malulutas sa loob ng anim na buwan, pero lalo pa yatang lumala.

Nais ng pangulo na maisalang sa capital punishment ang mga indibidwal na ayaw paawat sa operasyon ng ilegal na droga at ang taong panay ang pagngangamkam ng pondo mula sa kaban ng bayan.

Malaki ang laban dito ng Palasyo na aani ng suporta ang isinusulong na dahil na rin sa super majority na pawang mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso lalo na ang nakaupong House speaker at Senate president ay mga kaalyado nito.

Gayunpaman sa tingin ko magiging kawawa rito ang mga ordinaryong mamamayan dahil sila na naman ang tatamaan ng nasabing kaparusahan.

Alam naman ng lahat kung paano pinaiiral ang justice system dito sa ating bansa. Ang ordinaryong mamamayan na nagnakaw lang ng isang sardinas ay habang buhay na nagdurusa sa kulungan, samantalang ang mga mandarambong na opisyal na nangungupit ng milyon o bilyong pondo ng gobyerno kung maparusahan man ay napalalaya, napapawalang-sala at nakakabalik pa sa posisyon sa gobyerno dahil kaalyado.

Ngayon, paano ka maniniwala na talagang magiging patas ito para sa sambayanang Filipino?

Hanggang hindi naitutuwid at naalis ang palakasan at padrino system sa ating mga korte, wala pa tayong karapatan na ibalik ang capital punishment na ‘yan. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

412

Related posts

Leave a Comment