STL AT JUETENG

SIDEBAR

Pwede na muling tumaya sa lotto matapos muling pabuksan ang may 30,284 lotto outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kasunod ng kautusang pag-alis ng Malacañang sa naunang suspension order nito sa operasyon ng lotto sa bansa.

Nananatili namang suspendido ang operasyon ng Small Town Lottery (STL), Peryahan ng Bayan at Keno habang iniimbestigahan ito ng Department of Justice dahil sa mga ulat na hindi nakukuha ng PCSO ang tamang kubransa sa mga operator ng STL.

Base sa 2017 at 2018 report ng Commission on Audit, lumilitaw na ang STL revenue na P7.32 billion ay hindi repleksyon ng aktwal na kubransa ng STL operations sa buong bansa.

May mga pagkakataon din, ayon sa COA report, na hindi nakolekta ng PCSO ang umaabot sa P4.6 billion halaga ng buwanang kub­ransa mula sa mga operator ng STL.

Layunin ng STL na patayin ang ilegal na laro ng jueteng pero taliwas ang nangyari dahil mismong mga jueteng lords ang nakakuha ng prangkisa ng STL.

Jueteng lords din ang may kakayanan na magba­yad ng prangkisa at nakalatag na ang kanilang imprastraktura na binubuo ng mga kubrador, kabo at rebisador.

Ang STL ang naging legal na prente ng jueteng lords at dahil may mga PCSO ID na ang kanilang mga kubrador ay hindi na sila puwedeng hulihin ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.

Pero nanatili ang sistema ng payola ng mga jueteng lords na ibinibigay sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, PNP at sa PCSO kung kaya walang ginawa ang mga opisyal ng PCSO para alamin kung magkano talaga ang arawan at buwanang kubransa ng STL operators.

Kabisado ng mga opis­yal ng PNP ang ganitong sistema ng STL operators kung kaya nang maupo ang kanilang mga kaklase sa PCSO ay sila na ang kumuha ng ibang mga prangkisa sa STL na ganoon din ang sistema ng operasyon.

Ito marahil ang pinaiimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na una nang isiniwalat ni PCSO Director Sandra Cam nang magkaroon ng Senate inquiry kung bakit lubhang maliit ang kinikita ng PCSO mula sa STL operations nito.

Nakapagtataka na dalawang administrasyon na ang nagdaan – Macapagal-Arroyo at Noynoy Aquino — pero ngayon lang sa ilalim ng Duterte administration ipinatigil ang STL para imbestigahan ang matinding korapsyon na bumabalot dito mula pa noong 2005.

Ang ibig sabihin lang nito ay malaki ang naging pakinabang ng mga opisyal ng dalawang nagdaang admi­nistrasyon at ang kasalukuyang pamahalaan lang ni Duterte ang may lakas ng loob na patigilin ang STL para mahinto ang korapsyon sa hanay ng PCSO at STL operators. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)

167

Related posts

Leave a Comment