Matindi ang kasalukuyang kinakaharap na isyu ng Department of Health (DOH) dahil sa mga nakaimbak na gamot na hindi nila naipamahagi at tila aabutan na ng expiration date ng mga ito.
Tinatayang umabot na sa kabuuang halaga na P367 milyon ang halaga ng mga gamot na ito.
Sa paliwanag ni DOH Secretary Francisco Duque III, tinukoy n’ya ang mabagal na proseso ng distribusyon ng gamot at ang kakulangan ng mga espesyal na klase ng bodega para sa mga gamot bilang dahilan kung bakit halos abutan na ng expiration date ang mga nakaimbak na gamot.
Mula kasi sa pambansang tanggapan ng kagawaran, ipamamahagi ito sa mga rehiyon. Saka pa lamang ito ipamamahagi sa mga probinsya. Dagdag pa ang kakulangan ng mga bodegang may kakayahang panatilihin ang kalidad ng mga gamot.
Sa aking palagay ay panahon na upang subukan ng kagawaran ang makipagtulungan sa pribadong sektor sa pagtugon sa problemang ito. Malaki ang maitutulong ng mga bodegang pinangangasiwaan ng mga nasa pribadong sektor dahil mas makabago ito at moderno ang teknolohiya.
Tiyak na malaki ang maitutulong ng pribadong sektor sa paglutas ng problemang kinakaharap ng DOH. Maaaring gayahin ng DOH ang proseso ng Philippine Red Cross dahil napatunayang mahusay ang sistema ng organisasyong ito.
Ang aking suhestiyon na pagtutulungan sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor ay hindi lamang para sa suliranin ng DOH kundi maaari ring gawin ng iba pang mga sangay ng gobyerno.
Ako ay naniniwala na kung ang layunin ng pamahalaan at ng pribadong sektor ay parehong tungo sa pag-unlad at pag-angat ng ating bansa, ang pagsasanib-pwersa nito ay magdudulot ng malaki at magandang pagbabago na tiyak ay magiging kapaki-pakinabang sa sambayanang Filipino.
oOo
Nais kong batiin ang mga nanalo sa gaganaping 17th Philippine Quill Awards sa ika-30 ng Agosto sa Marriott Grand Ballroom sa Newport City sa Lungsod ng Pasay. Ako’y nananabik na makitang muli ang mga lumahok upang sama-sama nating ipagdiwang ang tagumpay ng mga nangunguna sa larangan at industriya ng Philippine communications at ng Public Relations.
Bilang Chairman ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines, at sampu ng aking mga kasama sa industriya, nais kong magpasalamat sa lahat ng naging bahagi ng programang ito. (SA GANANG AKIN / JOE ZALDARRIAGA)
120