P700-B NG NATIONAL BUDGET ANG NAPUPUNTA SA KORAPSYON

SIDEBAR

Nanatili ang Pilipinas na isa sa pinaka-corrupt na bansa sa buong Asia-Pacific Region at ayon mismo kay Deputy Ombudsman Cyril Ramos, pang-anim ang Pilipinas sa dami ng pera ng go­byerno na hindi napapakinabangan dahil sa matin­ding korapsyon.

Umaabot sa P700 bilyon ang napupunta sa korapsyon at ang naturang halaga ay katumbas ng humigit-kumulang na 20 porsyento ng national budget ayon pa rin kay Ramos sa isang talumpati sa summit on crime prevention na pinangunahan kamakailan ng National Police Commission.

Kung hindi kinurakot ang 700 bilyong piso, nakapagpatayo sana ng 1.4 milyong bahay para sa mahihirap na katumbas din ng medical assistance para sa 7 milyong Filipino at rice buffer stock para sa 110 milyong Filipino ng lampas isang taon.

Ibig sabihin, wala na sanang magugutom na Filipino at ang mahihirap na­ting mga kababayan ay may bubong na masisilungan at may libreng paospital.

Hindi naman malinaw sa datos ng Deputy Ombudsman kung patungkol lang sa budget ng national government ang P700-B na napupunta sa korapsyon dahil laganap din ang korapsyon sa mga lokal na pamahalaan kung saan madalas na pinagkikitaan ang mga business permit at mga proyektong dumadaan sa aprubal ng konseho.

Malaking hamon pa rin sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsawata sa korapsyon sa lahat ng sangay ng pamahalaan sa kabila ng kampanya ng pangulo laban sa katiwalian.

Bagama’t nananatiling mataas ang popularidad ni Pangulong Duterte dahil alam ng mayorya ng mga Filipino na hindi siya kurakot, patuloy ang korapsyon sa ilang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue at pati na rin ang Food and Drug Administration na naging sanhi ng pagkakasibak ng hepe nito kamakailan.

Hindi problema sa kampanya laban sa korapsyon ang mabilis na pagkalap ng mga ebidensya para arestuhin at sampahan ng kasong paglabag sa Plunder Law at Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga corrupt na opisyal at em­pleyado ng gobyerno.

Ang problema ay ang conviction rate dahil sa maraming pagkakataon ay napapawalang-sala ng Sandiganbayan ang mga akusado dahil sa kakulangan o mahinang ebidensya na nakalap at iprinisinta ng Ombudsman sa hukuman.

At kung mayroon mang nako-convict, karamihan dito ay maliliit na isda gaya ng mga mayor, vice mayor at gobernador. Wala pa yatang nako-convict na mga cabinet secretary na nasampahan ng kasong plunder maliban kay dating Pa­ngulong Joseph Estrada na naging politikal naman ang pagkaka-convict ng Sandiganbayan gaya ng pagtanggal sa kanya sa puwesto ng Korte Suprema noong 2001. (Sidebar /RAYMOND BURGOS)

159

Related posts