ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(Ikapitong bahagi)

Sinasabi na ang usa­pin sa bigas ay tumutukoy sa isyu ng kakulangan nito. Ibig sabihin, hindi natutugunan ang pangangailangang konsumo ng mga mamamayang Filipino ng butil na ito.

Masalimuot at mapag­dedebatehan ang puntong ito.

Sabi ng ilan, wala namang kakulangan dahil may supply naman, ‘yun nga lang ang halaga ng mga ito ay sobrang mataas at hindi na kinakaya ng mga nasa laylayan ng lipunan.

Kaya nga’t naglabas ng variety na mura noong mga unang panahon. Pero kahit ang mumurahing variety na ito ay nakitang kinakapos pa rin. Medyo kontrobersyal, madalas lalo na kung lumalabas na may artipisyal lang ang kakulangan at produkto lamang ang pangyayari ng manipulasyon o pamumulitika ang mga ilang walang malasakit na nasa katungkulan minsan.

Ganunpaman, hindi rin mahirap paniwalaan na may kakulangan nga minsan ang supply. Dahil na rin sa maraming salik.

Una, ‘pag taun-taon na lang ay sinisira ng mga sakuna na dulot ng kalikasan ang mga palayan: baha, tag-tuyot, peste.

Kung ganito ang sitwasyon, aasa ang pamahalaan sa importasyon. Isang nakapapanlumong obserbasyon ang narinig ko tungkol sa bagay na ito. Dahil bago pa man maging importer tayo ng bigas, sinasabing exporter tayo nito dati sa mga karatig-bansa. Nabaligtad ang mundo at ‘yung mga bansang dito pa nag-aral ng pagtatanim ng palay ay siya na ngayong kinukuhanan natin ng bigas.

Kahit walang statistics, hindi rin malilinlang ang ating mga mata. Marahil kaya nagkulang na rin ng ani ng bigas dahil sa marami na ring palayan ang napasok na sa land conversion. Hindi na mga gintong-butil ang makikita sa ilang mga dati ay mga patag na tani­man. Bagkus ay mga tila kahon na ng posporo na mga tahanan o kaya ay mga de bakod na mga tirahan ng mga bagong uri ng mapepera sa lipunan.

Dahil sa katotohanang sobra na ring mahal ang mga tinatawag na farm inputs o gastusin sa pagtatanim, may mga ilang magsasaka na rin ang hindi na minsan naeengganyong magtanim ng palay. Lalo na nga kung pagdating sa anihan ay babaratin ka lang naman ng middleman na kasab­wat ng mga kartel ng bigas.

At natural din na dahil ‘di naman nadaragdagan ang espasyong pwedeng taniman habang sobra naman ang pagtaas ng populasyon taun-taon. ‘Di na rin tayo dapat magtaka kung bakit mabilis nating naram­daman ang kakapusan ng produktong ito sa ating bansa.

Kung gusto natin ng mas makabuluhan at permanenteng solusyon sa usapin na ito, komprehensibo dapat ang solusyon na tutuhog sa mga kawing-kawing na usaping nagpalala ng isyung ito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

366

Related posts

Leave a Comment