Noong Setyembre 25, 1999 ay itinatag ang Bayan Muna. Dala ang politika ng pagbabago, naging boses ang Bayan Muna ng mga mahihirap at inaapi.
Itinatakwil ng Bayan Muna ang tradisyunal at maruming politikang namamayani sa bansa at isinusulong nito ang Bagong Politika: Ang interes ng mayoryang naghihirap, hindi ng iilang naghaharing uri. Ang politikang nakabatay sa prinsipyo at programa, hindi sa personalidad at utang na loob.
Ang tapat at malinis na paglilingkod-bayan, hindi ang pangungurakot at pandarambong ang ipinakita ng Bayan Muna sa loob ng dalawang dekada.
Ipinamalas ng Bayan Muna ang paglalantad sa katotohanan at pagharap sa mga isyung pambayan, hindi ang panlilinlang at pag-iwas sa daing ng mamamayan. Ang pag-unlad ng mapagpalaya at militanteng kilusang masa, hindi ang pag-atake dito at pagpapailalim sa lumang politikang elitista.
Nagrehistro ng makasaysayang tagumpay o historic victory ang Bayan Muna sa halalang 2001, kung saan una itong lumahok. Sa unang pagkakataon sa ilalim ng sistemang party-list, may isang partido na nakapagpanalo ng 1.76 M o halos dalawang milyon na mga boto.
Mula noon hanggang ngayon, tuluy-tuloy na itinulak ng mga kinatawan ng Bayan Muna ang interes at kahingian ng mamamayan sa loob at labas ng Kongreso.
Maipagmamalaki ng Bayan Muna na hindi nito binigo ang mamamayan, magmula pa sa mga unang taon ng pag-upo nito sa Kongreso hanggang sa kasalukuyan, buong katapangan nitong nilabanan ang mga kontra-mamamayang polisiya at programa ng pamahalaan, mula sa mga administrasyong nakaraaan at sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte. Pinanindigan ng mga kinatawan ng Bayan Muna ang plataporma para sa tapat at makamamamayang paglilingkod.
Bitbit ang dalawang dekadang pagsasabuhay ng politika ng pagbabago, handa ang Bayan Muna at laging magiging handa para suungin ang mas malalaking laban tungo sa tunay na pagbabago.
Bayan Muna, ang ating partido. Bayan Muna ang ating panawagan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
381