Sentro sa pulong ng BOC-Port of Cebu, CCCI at CCBI
Ang pagpapabilis pa sa proseso ng renewal of accreditation ng importers ang pangunahing tinalakay sa pakikipagpulong ni Bureau of Customs (BOC)-Port of Cebu Acting District Collector Atty. Clarito Mendoza sa mga opisyales ng Cebu Chamber of Commerce and Industry (CCCI) at Chamber of Customs Brokers, Inc. (CCBI)-Cebu kamakailan.
Kabilang pa sa tinalakay sa pulong ay ang 7-araw na ibinigay para sa goods declaration, marking duty at valuation ng commodities.
Kasabay nito, nilinaw ni Mendoza sa mga opisyal na ang Account Management Office (AMO) sa Manila ang magpoproseso ng accreditation ng importers.
Tiniyak ni Mendoza na ang AMO, bagama’t may pagbabago sa mga tauhan ay sinisikap na mapahusay ang serbisyo partikular ang mapabilis ang proseso.
Ipinatupad naman ang 7-day period para sa goods declaration alinsunod na rin sa direktiba ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.
Sa pagpapatupad ng marking duty, inimpormahan ni Mendoza ang mga opisyal maging ang importer na kung mapatunayang bagsak ang importasyon nito ay hindi ito saklaw sa marking requirements na nakapaloob sa Section 710 ng CMTA, kung kaya’t walang marking duty na ipatutupad.
Ipinaliwanag pa ni Mendoza na ang ‘valuation of commodities’ ay ipinatutupad base sa National Valuation Verification System (NVVS).
Ayon pa kay Atty. Lemuel Erwin Romero, Deputy Collector for Assessment, na ang NVVS values ay naaayon at tugma sa takbo ng international market.
Dahil dito, nagpasalamat si Mendoza sa CCCI and CCBI-Cebu para sa suporta at pakikipagtulungan para sa ikagaganda ng serbisyo ng Port of Cebu. (Jo Calim)
