SUPPORTERS NI VP ROBREDO NA-WOW MALI NA NAMAN

PRO HAC VICE

SA ikatlong pagkakataon, nabokya na naman ang supporters ni Vice President Ma. Leonor Gerona-Robredo o Leni Robredo.

Paano ba naman sumugod na naman sila sa harap ng Korte Suprema sa Padre Faura Street, Ermita, Manila upang mag-rally at ipagdiwang umano ang kanilang pagkapanalo laban sa election protest ni dating Senador Ferdinand “Bong-bong” Marcos, Jr.

Kaya lamang ay kabaliktaran ang naging resulta ng kanilang pagdiriwang dahil wala namang ganoong ipinalabas na desisyon ang KS na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET).

At sa halip ay muli na namang ipinagpaliban ng Supreme Court en banc na siya ring tumatayong PET ang pagpapalabas ng desisyon ngayong araw.

Sa nakalap na impormasyon ng inyong lingkod mula sa mapagkakatiwalaang source sa SC, sinabi nito na muling ipinagpaliban ng mga mahistrado ng KS ang botohan sa election protest ni Marcos laban kay Robredo kung saan muli itong itinakda sa susunod na en banc session ng mga mahistrado sa Oktubre 15 ng taong kasalukuyan.

Ang isa nga lang sa problema sa tuwing nagra-rally ang mga gaya ng supporters ni VP Robredo sa harap ng SC ay ang idinudulot nitong trapik sa kahabaan ng Padre Faura St. na ‘pag minsan pa nga ay isinasara ng Manila Police District ang naturang daan para lamang ‘di na magkaroon pa ng sigawan sa pagitan ng mga nadidismayang pasahero at ng mga nagra-rally.

Matatandaang noong nakalipas na Setyembre 24 at Oktubre 1 ay nag-rally din ang supporters ni VP Robredo sa harapan ng SC kung saan ay hindi naman nakapagpalabas ng desisyon ang SC en banc.

Papaano ‘yan? Kita-kits na lang muli sa Oktubre 15! (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

151

Related posts

Leave a Comment