Bahagi ng kultura ng pagka-Pinoy ang nagkakamay habang kumakain.
Ang mga sinaunang Filipino ay sadyang hindi gumagamit ng anumang kubyertos habang nasa hapag. Ang tanging gamit lamang ay ang malilinis na kamay – dadampot ng kanin at ulam sabay diretso na ito sa ating bibig.
Mas karaniwan itong nakikita sa mga lalawigan o sa mga pangkaraniwang tao.
Ang katwiran kasi, dahil nakaugalian ay masarap naman talagang kumain gamit ang kamay. May ilan pa sa atin na habang kumakain ay itataas pa ang isang paa, para ang ating braso ay may papatungang tuhod kaya relaks lang habang kumakain at ini-enjoy ito.
Minsan naman ay nagiging bahagi lamang ang pagkakamay kapag may ibang okasyon na kung saan ito ay makikita sa pamamagitan ng boodle fight.
May ibang lahi na pinupuna ang ganitong gawi. Kung tutuusin ay may kapwa-Pinoy din tayong hindi gusto ang ganitong kultura sa hapag. Ano ba ang magagawa natin kung ito na ang tatak nating Pinoy? Ang kultura ay kultura. Maaaring hindi makasabay ang lahat pero imahe itong nagpakilala na sa ating pagka-Filipino. (Ann Esternon)
