Sa aking ilang dekada bilang isang PR Practitioner, pinakamatagal at mas kilala ako bilang Tagapagsalita at Pinuno ng Public Information Office ng Meralco.
Bukod dito ay ako rin ang kasalukuyang Chairman ng International Association of Business Communicators o ng IABC Philippines. Para sa akin, hindi biro ang maging isang lider dahil hindi lang naman kasanayan at kaalaman ang kailangan para mamuno, kung hindi ang makuha ang tiwala ng iyong mga katrabaho.
Kaya nga sakto rin ang tema ng aming 2019 Year-End General Membership Meeting na “Trust and the Public Servant”.
Para sa amin sa IABC Philippines, hindi lang isang pormalidad ang pagsasagawa namin ng GMM kundi hangad din namin na ang mga dadalo sa okasyong ito ay maraming matututunan mula sa aming mga de-kalibreng panauhin mula sa iba’t ibang industriya na siya namang kanilang maisasabuhay sa kani-kanilang trabaho bilang communicators.
Sa pagpaplano ng GMM para sa taong ito, maraming nagbanggit ng kanilang nais mga maging guest speaker. Napag-usapan namin na ang dapat maging panauhin para sa aming tema ngayong taong ito ay isang magandang ehemplo ng magaling na naglilingkod sa bayan. Iisa lang ang pumasok sa aming isipan na swak para sa temang ito. Walang iba kung hindi si Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila na siyang hot topic dahil na rin sa mga pagbabagong kanyang isinasagawa para sa kanyang bayan.
Maraming dahilan kung bakit kakaiba si Yorme Isko bilang isang pinuno. Pero ang talagang hinangaan ko sa kanya ay ang kanyang pagiging totoo at kanyang mapagkumbabang estilo sa politika. Bilang sagot sa isang katanungan tungkol sa mga lumalabas na online news, nabanggit ni Mayor Isko na ang kanyang mga post at update sa social media ay organic at hindi gawa-gawa lang para makakuha ng maraming reaksyon o mga comment. Ibang-iba nga naman ito lalo na sa panahon ngayon kung saan naglipana ang fake news at eksaheradong mga impormasyon. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
261