Mahigit isang buwan na ang nakalilipas mula nang magretiro sa Philippine National Police (PNP) ang hepe nitong si Gen. Oscar Albayalde pero hanggang ngayon ay wala pa ring napipiling kapalit si Pangulong Rodrigo Duterte.
Walang duda na nahihirapang pumili si Pangulong Duterte dahil gusto niyang masiguro na walang isyu laban sa bagong PNP chief at gusto niya ring matiyak na ang kapalit ni Gen. Albayalde ay makapagpanunumbalik ng magandang imahe ng pambansang pulisya.
Tumatak kay Gen. Albayalde ang katagang “ninja cop” dahil sa kanyang naging problema bilang Pampanga police provincial director noong 2013 kung kailan nasangkot ang 10 niyang pulis sa pag-recycle ng shabu na siyang ginagawa ng “ninja cops.”
Senate investigation ang naglubog kay Albayalde at sa 10 “Pampanga ninja cops” at pagkatapos ng mga serye ng pagdinig ay naging resolusyon ng committee ni Senador Richard Gordon ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa PNP chief at kanyang “ninja cops.”
Malaking katanungan kung bakit nakalusot si Albayalde sa PNP Senior Officers Promotion and Placement Board (SOPPB) nang maitalaga itong hepe ng National Capital Region Police Office.
Hindi naman kasi lihim sa PNP na nasibak siya bilang Pampanga police director noong 2013 dahil sa isinagawang imbestigasyon noon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ilalim ni Maj. Gen. Benjamin Magalong na kasalukuyang Baguio City mayor.
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na masusi niyang pinag-aaralan kung sino sa mga heneral ng PNP ang kanyang pipiliin bilang PNP chief.
Una nang inirekomenda ni Interior Secretary Eduardo Año ang tatlong pinaka-senior na PNP officers para maging PNP chief. Kabilang dito sina Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa, Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan at ang bagong promote na si Police Lieutenant General Guillermo Eleazar.
Si Lt. Gen. Gamboa ngayon ang officer-in-charge ng PNP at sa kanyang pamumuno ay isinagawa ang pinakamalaking revamp sa pambansang pulisya na aprubado ng Malacañang.
Si Pangulong Duterte na rin ang pabirong nagsabi na kung wala siyang mapili ay baka siya na muna ang maging pinuno ng PNP na bahagi ng kanyang kapangyarihan bilang chief law enforcer ng bansa.
“Even a single case of corruption, wala ka na. I would rather not appoint anybody for that matter. Ako na ang hahawak. I will be the one directing. Guidance and direction lang naman ako. But that is in the event I couldn’t find somebody I can trust,” paliwanag ng pangulo.
Ano kaya kung si Pangulong Duterte ang direktang mag-command ng PNP? (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
137