TAMA ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling buhayin ang naudlot na usapang pangkapayaan ng pamahalaan sa National Democratic Front of the Philippines at sa Communist Party of the Philippines na siyang namumunong organisasyon sa NDFP.
Disyembre 5 nang utusan ni Pangulong Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na makipagkita muli kay CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison sa The Netherlands para pag-usapan ang pagpapatuloy ng natigil na peace talks.
Pinatigil ni Pangulong Duterte ang peace talks sa CPP-NDF sa gitna ng mga opensiba ng New People’s Army laban sa mga tropa ng Armed Forces at Philippine National Police na nagresulta sa pagkamatay ng ilang mga sundalo at pulis.
Kasunod ng terminasyon ng peace talks, ipinag-utos ng pangulo ang muling pag-aresto sa mga consultant ng NDFP kabilang na si Vicente Ladlad na mahigit isang taon nang nakakulong sa Bicutan na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology.
Si National Security Adviser Hermogenes Esperon ang nagsiwalat ng kagustuhan ng pangulo na muling buksan ang prosesong pangkapayapaan nang sa gayon ay matapos na rin ang mahigit 50 taong rebelyon ng CPP-NPA.
“I am of the understanding that the President sent Sec. Bello because he has gotten word that Jose Ma. Sison would like to tell him something. The President has always said that he will always leave a window, no matter how small, for peace talks,” ani Esperon sa ABS-CBN News Channel (ANC).
Nagpahayag ng pagtutol si Sison sa suhestiyon na isagawa sa Pilipinas ang pormal na peace talks dahil na rin sa pangamba na maaaring gamitin ito ng AFP at PNP para magsagawa ng matinding surveillance sa mga lalantad na NDF peace consultant.
Sabi ni Sison: ”This precondition is totally unacceptable to the National Democratic Front of the Philippines because it aims to put the NDFP and the entire peace negotiations in the pocket of the Duterte regime and under the control and surveillance of the bloodthirsty military and police who engage in mass murders and other heinous crimes with impunity.”
Nakasalalay kay Secretary Bello kung magkakaroon ng panibagong peace talks sa CPP-NDF at ito ay naka-depende kung papaano niya kukumbinsihin sina Sison at ang NDF peace negotiators na muling umupo para pag-usapan ang mas importanteng mga usapin para sa pagkakamit ng matagalang kapayapaan sa bansa.
Batid ni Sison at mga kasama niya sa Netherlands na mukhang imposible nang makamit ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na sinimulang isulong noon pang Disyembre 26, 1968 kung kailang itinatag ang CPP sa pamumuno ni Amado Guerrero na siyang nom-de-guerre ni Joma Sison.
Nagiging biruan na nga sa hanay ng mga kadre ng partido na masyado nang matagal ang itinatakbo ng kanilang rebolusyon na patuloy na tumatalima sa teorya ng matagalang digmAang bayan o protracted people’s war.
Kung matutuloy ang muling pagbubukas ng peace talks, ang malaking katanungan na lang ay kung magkakaroon ito ng lohikal na kongklusyon na magreresulta sa permanenteng tigil-putukan at pangmatagalang kapayapaan. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
156