(Ni: NELSON S. BADILLA)
IBINUNYAG ng isa sa mga malaking samahan ng mga manggagawang Filipino ang pinaniniwalaan nitong ‘masamang plano’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbira sa dalawang kumpanyang may kontrol sa negosyong distribyusyon ng tubig sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Leody de Guzman, tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), malaki ang kanilang duda na kaya binibira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga korporasyong hawak ng mga Ayala at Pangilinan ay para agawin at ibigay sa kanyang mga malapit na kaibigan o cronies.
Ang tinutukoy ni De Guzman ay ang mag-asawang dating Senador Manny Villar at Senadora Cynthia Villar, Ramon Ang at Dennis Uy.
Nabatid ang nalalaman ni De Guzman makaraang kunin ng Saksi Ngayon ang pahayag ng beterang lider ng BMP kaugnay sa inihayag ni Duterte na tinatapos na ng Department of Justice (DOJ) at Office of Solicitor General (OSG) ang bagong laman ng kasunduan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.
Matatandaang idiniin ni Duterte na pinatanggal niya ang mga “onerous provisions” sa kontratang pinagkaisahan noong 1997 (panahon ni Fidel Ramos) na hanggang 2022 ang itatagal ng serbisyo sa distribyusyon ng tubig ng Manila Water at Maynilad sa NCR at mga karatig lalawigan.
Pinahaba ito ng MWSS hanggang 2037 noong 2009 (panahon ni Gloria Macapagal Arroyo).
Batay pa sa sinabi ni Duterte, sa bagong kontratang iaalok ng pamahalaan sa Manila Water at Maynilad ay hindi nangangahulugang hindi na hahabulin ng kanyang Duterte ang mga dalawang dambuhalang kumpanya na posibleng kasuhan pa ng iba’t ibang kasong kriminal.
Ayon naman kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, kung sakaling tanggihan ng Manila Water at Maynilad ang “bagong kasunduan,” mapipilitang kumpiskahin ng pamahalaan ang distrisyusyon ng tubig at ialok ito sa ibang mga kumpanya.
Inihayag ni De Guzman na ang tunay na layunin ni Duterte sa pagsasabing hindi plano ng pamahalaan na patakbuhin ang sektor ng tubig para sa interes at kagalingan ng mamamayan ay dahil ipapasa ito sa mga kaibigan ng pangulo.
“Ang patunay d’yan, wala s’yang plano na ipagbawal na ang privatization sa tubig at sektor ng serbisyo tulad ng kuryente, ospital , paaralan at transportasyon,” patuloy ng lider-manggagawa.
Idiniin pa ni De Guzman na walang plano si Duterte na huwag pahirapan ang mamamayang Filipino dahil wala sa adyenda niya na tapusin na ang patakarang praybitisasyon ng mga serbisyo-publiko.
Nagsimula ang praybitisasyon sa panahon ni Corazon Cojuangco Aquino III, ina ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sina Manny at Cynthia Villar ay pinaniniwalaang nagbigay ng pondo sa kampanya ni Duterte sa pagkapangulo noong 2016 at ang pagkakapuwesto umano ng anak nilang si dating Las Pinas Rep. Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways at ng asawa niyang si Emmeline Aglipay Villar bilang DOJ undersecretary ang umano’y “bayad”.
Ang pamilya Villar ay pasok sa negosyong distribyusyon ng tubig sa mga lalawigan sa pamamagitan ng kumpanya nilang Prime Water Infrastructure Corporation.
Ayon kay Senador Richard Gordon, 63 sa 76 water districts sa bansa ay nakuha ng Prime Water Infrastructure Corporation.
Ang nakuha naman ni Ang ay ang patuloy na paglago ng negosyo ng San Miguel Corporation (SMC).
Si Dennis Uy naman na taga-Davao ay biglang naging higanteng negosyante.
Nakuha ng pag-aari ni Uy na Dito Telecommunity Corporation (dating Mislatel o Mindanao Islamic Telephone) ang pagiging “third telco” ng bansa.
Kasosyo ni Uy ang China Telecom na pag-aari ng pamahalaan ng China.
302