DAGDAG NA AYUDA SA TAAL VICTIMS ; AYALA GROUP NANGUNA SA PRIVATE SECTOR RELIEF EFFORTS

AYALA-2

BUMUHOS pa ang tulong ng pribadong sektor sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal sa pangunguna ng Ayala Corp.

‪May 30 water tankers na naglalaman ng kabuuang 248 cubic meters ng tubig ang naunang dinispatsa sa 19 evacuation centers sa Batangas at Laguna at tatlong beses na itong pinalitan ng Laguna Water magmula noong Lunes. May kabuuang 10,000 evacuees ang tumanggap ng libreng maiinom

na tubig mula sa nasabing mga  tanker.

Sa pakikipagtulungan sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (Batangas PDRRMO), ang Manila Water ay patuloy na nagkakaloob ng malinis na maiinom na tubig sa  mga evacuation center sa mga bayan ng Sto. Tomas, Tanauan City, Lipa City, Batangas City, San Pascual, San Luis at Cuenca, kabilang ang Tagaytay City at Alfonso sa Cavite.

Namahagi rin ang Manila Water Foundation ng 2,000 units ng 5-gallon bottles ng maiinom na tubig sa Sta. Teresita at Bauan, Batangas para sa pangangailangan ng mga evacuee mula sa mga bayan ng  Agoncillo, San Nicolas, Laurel, Taal at Talisay.

Samantala, naglagay ang Globe Telecom ng limang Libreng Tawag and Charging Stations sa Cavite (Brgy. Amuyong Covered Court, Bagong Tubig Barangay Hall, Brgy. Kaybagal South Old Rehab Center, at Luksuhin National HS sa Brgy. Luksuhin) at Batangas (Sto. Tomas City Evacuation Center Poblacion 3). Nakahanda ang Globe na magtayo ng mga karagdagang Libreng Tawag and Charging centers kung kakailanganin para manatiling ‘connected’ ang mga tao sa panahon ng kalamidad.

Patuloy rin ang Globe sa pagkakaloob ng libre at unlimited GoWiFi internet connection sa lahat ng apat na terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagkansela ng daan-daang flights dahil sa panganib ng volcanic ash mula sa Bulkang Taal.

Patuloy namang nakaantabay ang AC Health upang magbigay ng tulong medikal sa mga naapektuhan ng pagsabog. Hanggang noong Enero 13, 2020, karamihan sa mga sangay ng Generika Drugstore ay bukas at nakahandang magserbisyo sa publiko, maliban sa mga sangay sa immediate danger zone sa Batangas at Cavite.

Ang Ayala group ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang local government unit (LGUs) upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad. Ayon sa Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF), ang naturang mga komunidad ay kagyat na nangangailangan ng mga donasyon tulad ng N95 face masks, pagkain, banig,  hygiene kits, gensets at marami pang maiinom na tubig.

Samantala, sinimulan na rin ng mga community organization tulad ng Philippine Canadian Charitable Foundation ang  relief efforts sa mga biktima ng pagsabog.

Ayon kay Rosemer Enverga, presidente ng organisasyon, tutungo ang grupo sa Pilipinas para sa kanilang proyekto.

Aniya, nananawagan ang kanilang organisasyon sa publiko para sa monetary donations nang sa gayon ay makabili ang kanilang mga volunteer ng mga supply gaya ng  face masks at eye drops.

“Right now we’re appealing to the public to help out. The next few days are very critical. Right now they’ve lost their houses, they have nothing. They might have shelters for now but after that they need more help. Now they need food, masks and eye drops,” ani Enverga.

Kabilang din ang Megaworld Foundation sa mga nagsagawa ng relief operations para sa daan-daang pamilya na naapektuhan ng kalamidad.

Namahagi ang foundation ng relief goods, kabilang na ang pagkain, inuming tubig at face mask sa mga apektadong pamilya.

Ayon sa  foundation, magdo-donate din sila sa relief efforts ng ABS-CBN Foundation at ng dalawang iba pang grupo.

128

Related posts

Leave a Comment