NAWA’Y MAGING NORMAL NA ANG BULKANG TAAL

PUNA

IISA ang dalangin ng mga mamamayan ng Batangas at Cavite, lalo na yung matinding naapektuhan nang pag-alburuto ng Bulkang Taal – bumalik na ito sa normal.

Sa ginawang pag-iikot ng Peryodiko Filipino Inc. team sa iba’t ibang mga bayan sa nasabing mga lalawigan, dinig na dinig ng inyong lingkod ang mga kahilingan at dalangin ng mga tao roon lalo na yung mga nasa evacuation centers na sana’y muling manahimik na ang bulkan upang sila’y makabalik na sa dati nilang tahanan nang sa gayon ay makapagsimula nang muli at makabangon.

Hindi na nga halos ma­tingnang mabuti ng PUNA ang kaawa-awang kalagayan ng ating mga kababayan na nasa pansamantala nilang tinitigilan habang patuloy ang mga pagyanig at pagbuga ng abo ng bulkan sa lawa ng Taal.

Maaaring hindi nga sila nagugutom dahil walang patid ang pagdating ng mga tulong tulad ng relief goods mula sa mga mapagmahal nating mga kababayan subalit hindi naman maiaalis sa kanila na mag-alala pa rin sa posibleng kahinatnan ng kanilang kinabukasan at hanggang kailan sila mananatili sa ganoong kalagayan.

Bagaman walong (8) araw pa lang simula nang mag-aburuto ang Bulkang Taal ay ramdam na ramdan na nila ang hirap hindi lang ng kanilang mga katawan subalit maging ang isipan dahil walang tigil ang daloy ng mga katanungan kung saan sila kukuha ng pera na gagamiting pang-araw-araw.

Nawala ang kanilang mga kabuhayan, pananim at higit sa lahat hindi sila makapagtrabaho dahil natabunan na ng abo mula sa bulkan ang kanilang mga bukirin o lupain.

Isa sa napuntahan ng inyong lingkod ay ang Barangay Malabanan, Balete sa Batangas na ang karaniwang pinagkakakitaan ay pagtatanim ng mga gulay at paggawa ng honeybee or pulot-pukyutan.

Nakausap ko si Armando Valencia, isang magsasaka ng Sitio Saisim, na inirereklamo ang biglang pagbaba ng presyo ng kanyang mga inaning gulay tulad ng sigarilyas na dating P35 bawat kilo pero ngayon ay binibili na lang sa kanya ng P10.

Isa pa sa reklamo niya ay wala na siyang makuhang pulot mula sa mga bahay-pukyutan dahil ang mga alaga nilang putakte o bubuyog ay wala nang masipsip na katas sa mga bulaklak dahil puno na ang mga ito ng abo.

Maging ang mga driver ng tricycle at jeepney ay ramdam ang hirap ng kita sa pamamasada dahil wala na umanong tao sa kanilang lugar.

Wala na ring makapunta sa mga bayan ng Balete, Talisay, Laurel, Agoncillo at San Nicolas matapos isailalim sa lockdown ng mga awtoridad ang mga lugar na ito.

Totoong napakarami pa sa ngayon na relief goods na dumarating sa evacuation centers sa Batangas at Cavite subalit makikitang pamigay nang pamigay lang ang nagagawa ng pamahalaan ngunit hindi nila ito nilalagyan ng kaayusan sa madaling salita ay hindi organisado.

Ang isa pa sa lubhang kailangan ng mga bakwit ay medical team na titingin sa kalusugan ng kanilang pamilya dahil may mangilan-ngilan na ang nagkakasakit dahil sa nalalanghap na abo.

Lord, tulungan mo na maa­yos na ang lahat at tumigil na sana sa pag-aalburuto ang Bulkang Taal.

oOo

Para suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com. (PUNA / Joel Amongo)

428

Related posts

Leave a Comment