(Ni Zia A. Jingco)
HINDI lang overseas Filipino workers (OFWs) ang naho-homesick sa kanilang mga mahal sa buhay. Maging mga “campus idol” na tulad ni Sydrick Francisco Babela ng Mapua Red Robins ay aminadong sobrang nami-miss ang kanyang pamilya na nasa Roxas, Capiz.
Ang 6 foot 3 na si Sydrick ay isa sa dalawang standout players ng Saint Mary’s Academy sa Roxas City na na-scout ng Red Robins sa isang 3×3 tournament sa Capiz noong nakaraang taon. Ang isa pa ay si Ryan James Corpuz.
Ayon kay Sydrick, mahirap ang mawalay sa pamilya. Matindi rin umanong kalaban ang homesickness.
“Mahirap, kasi ikaw ang mag-aalaga sa sarili mo. At maho-homesick ka dahil malayo sila,” pag-amin ng binata, na aminadong may girlfriend na.
Ngunit para sa kanyang pangarap, pinaglalabanan ng 18-anyos na wingman ng NCAA juniors basketball champion Mapua Red Robins ang hirap at lungkot para matupad ang kanyang pangarap.
“Pangarap ko po kasi na makapaglaro dito (Manila).”
Kaya’t malaki umano ang pasasalamat niya kina Saint Mary’s head coach Michael Abad at Capiz-based Kabataan Basketball Clinic head Tobee Diaz de Leon na nakadiskubre at naging daan para makapasok siya sa Mapua.
Para sa Grade 11 ngayon na si Sydrick, na nasa Grade 7 na nang makahiligan ang basketball, gusto niyang madebelop pa ang upper body niya para mas lumakas pa gaya ng kanyang idol na si NBA superstar Lebron James ng Los Angeles Lakers.
“Kasi lahat ng posisyon kaya niyang laruin,” aniya patungkol kay ‘King James’.
Pero batid din niya na hindi sa basketball nagsisimula at nagtatapos ang kanyang pangarap. Kaya nangako siyang tatapusin ang kanyang pag-aaral.
“Kailangan talagang balansehin ang pag-aaral at pagiging atleta,” ayon kay Sydrick.
Katunayan, plano niyang maging flight attendant sa malapit na hinaharap.
At payo niya sa mga kabataang gaya niya: “Huwag silang sumuko at magpadala sa mga problema. Lagi rin magdasal at ‘wag kalimutan kung saan sila nanggaling.”
