BUBUKSAN muli ni Senador Richard Gordon ang imbestigasyon sa Mamasapano clash matapos ipawalang-bisa ng Sandiganbayan ang kasong graft at usurpation laban kina dating PNP Chief Alan Purisima at Special Action Force (SADF) chief Getulio Napenas.
Sa panayam, sinabi ni Gordon na masyado siyang nadismaya sa desisyon ng Sandiganbayan na pinawalang-sala sina Purisima at Napenas kaya’t kanyang kakausapin si Senador Grace Poe na buksan muli ang imbestigasyon.
“I’m severely disappointed, I am totally devastated by it. Mamasapano is one of the great injustices of our time. We sent people who are simple folks, who became soldiers and policemen, to their deaths and there was obviously…I’ve always been trying to open up Mamasapano [investigation],” aniya.
“Kung meron kang newly discovered evidence you can always reopen,” aniya.
“Nag-meeting si Senator Poe d’yan, makikiraan ako sa kanya. Kung gusto niya we can join together. Maybe we can say something that was not there before,” giit pa niya.
Sinabi ni Gordon na kanyang tatanungin ang Department of Justice at Office of the Ombudsman kung bakit hindi nakapagbigay ng sapat na ebidensiya upang patunayan ang kaso.
“To my mind mukhang nagkulang ang prosekusyon na naman diyan kaya sabi ko palagi eh depende sa nagpo-prosecute. It depends on the passion, on the hard work, on the intelligence of the prosecutor,” paliwanag niya.
“Either mahina ang prosecution or baka may nangyari. Ang tao nakakausap eh,” dagdag niya.
Nauna nang pinawalang-sala ng Sandiganbayan sina Purisima at Napenas sa kasong graft at usurpation sa pagkakasangkot sa January 2015 anti-terrorist operations na ikinamatay ng 44 miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao. (Estong Reyes)
125