MASS TESTING SISIMULAN NA SA MAYNILA

UPANG matukoy ang mga taong positibo sa coronavirus disease 2019, magpapatupad ng mass testing ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.

Binigyan ng basbas ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagsisimula ng localized targeted mass testing ng Manila Health Department (MHD) at anim na distrito ng ospital ng Maynila.

Nabatid sa alkalde, kaya umanong magsagawa ng 232 COVID-19 swab test kada araw o 1,624 kada linggo.

Ito umano ay gagawin sa MHD/Delpan Quarantine Facility, 50 swab tests kada araw; Ospital ng Maynila, 20 swab tests; Sta. Ana Hospital/MIDCC, 30 swab tests; Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center , 50 swab tests; Ospital ng Tondo, 17 swab tests; Justice Jose Abad Santos General Hospital,15  swab tests; at Ospital ng Sampaloc, 50 swab tests.

Ang swab tests ay dadalhin at ipuproseso sa Department of Health’s Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) o University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH).

Ang mass testing ay bahagi ng programa ni Moreno na Coed (contain and delay) Coronavirus.

Samantala, sinabi ni Dr. Arnold Pangan, makahanda na ang Rizal Memorial Stadium (Ninoy Aquino Stadium) para pagdalhan ng COVID patients, kung saan tatlo ang dinala noong Linggo sa pasilidad ng lokal na pamahalaan. (RENE CRISOSTOMO)

167

Related posts

Leave a Comment