MISTULANG nabunutan ng tinik sa dibdib ang mga OFW matapos magpalabas ng anunsiyo ang Malacanang kung saan ay itinatagubilin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi na kailangan maging mandatory ang pagbabayad nito, bagkus ito ay voluntary na lamang.
Sobrang nagbunyi ang mga OFW matapos na malaman ang tagubilin ng pangulo na dahilan upang bumuhos na muli ang samu’t-saring mensahe sa social media upang magpasalamat at ipagbunyi ang maituturing na tagumpay ng mga OFW dahil sa pagkakaisa sa panawagan na rebisahin ang panuntunan ng PhilHealth sa paniningil ng katumbas na 3% ng kabuuang suweldo ng mga “bagong bayani”.
Dagdag kasiyahan din sa mga OFW ang ipinalabas na anunsiyo ni Philippine Overseas Employment Agency (POEA) Administrator Bernard Olalia na nagbibigay kasiguruhan na hindi kinakailangan ng mga OFW na magbayad muna ng membership premium ng nasabing government owned and controlled corporation (GOCC) bago makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC). Sa naturang anunsiyo, siniguro na wala pang ginagawang POEA Governing Board Resolution upang ipatupad ang paninigil ng PhilHealth bago makakuha ng OEC.
Reklamo kasi ng mga OFW ay hindi kinakailangang itali ang pagkuha ng OEC sa anumang insurance dahil mistula itong pangigipit at panghohostage sa mga OFW na nais na makalabas ng bansa para kumita at mabuhay ang kanilang pamilya.
Ngunit ang kasiyahan na ito ay muling napalitan nang pag-alala matapos na magpalabas ng opisyal na mensahe ang PhilHealth na nagsasaad na pansamantala lamang nilang inihihinto ang paniningil ng nasabing premium dahil sa krisis na kinakarap ng lahat ngayon.
Sa naturang opisyal na mensahe ni PhilHealth President and CEO BGen. Ricardo Morales, sinabi nito na lubos niyang nauunawaan ang sentimiyento at hinaing ng mga OFW.
Diumano ang pagtaas ng 3% sa babayaran ng mga OFW ay sinunod lamang nila sa nakapaloob sa Universal Health Care Act of 2019. Mistula rin nitong isinusumbat na sa halos P1.7 bilyong kontribusyon ng OFW, 69% ay napakinabangan ng pamilya ng OFW at 31% ay ang mismong OFW ang siyang nakinabang. At diumano ay halos P700 milyon pa nga raw ang abono ng PhilHealth.
Sa huling bahagi ng mensahe ay sinabi nito na dahil sa kinakaharap na krisis at kakulangan ng pera ng mga OFW ay pansamantala nitong ipinapatigil ang paniningil hanggang matapos ang krisis na dulot ng COVID-19. Ibig sabihin ay pansamantala lamang pala ang paghinto ng mataas na babayaran ng OFW at maaring ipagpatuloy muli matapos ang krisis sa COVID-19.
Dito na muling nanumbalik ang pangamba ng mga OFW dahil wala man lamang pahiwatig sa mensahe na sila ay tumatalima sa kautusan ni Pangulong Duterte.
Tiyak na magpapatuloy ang pag-iingay ng mga OFW hangga’t hindi natatapos ang imbestisgasyon ng Senate Oversight Committee na kinabibilangan ni Sen. Christopher Bong Go, Sen. Ronaldo Dela Rosa, Sen, Francis
Tolentino at Sen. Riza Hontiveros. Huwag na sana humantong pa na matuloy ang pagbabanta ng ilang sector ng OFW at FILCOM Leaders na magsasagawa sila ng Remittance Boycott sa mga darating na buwan kung ipagpipilitan ng nasabing government insurance ang mataas na halaga na kanilang sinisingil.
Binigyan diin ng mga OFW Leaders na ang pagkilos na ito ay hindi para tuligsain si Pangulong Duterte, kundi ito ay panawagan kay Health Secretary Francisco Duque at sa Senate Oversight Committee na siguruhin na mababago ang Implementing Rules and Guidelines na kung saan ay nag-uutos nang pagtataas ng membership premium sa mga OFW at ang pagtali ng PhilHealth sa pagkuha ng OEC. DR CHIE LEAGUE UMANDAP
