ECQ, IKALAWANG BUGSO NG COVID-19 

NANINIWALA ako sa pahayag ni Mayor President Rodrigo Duterte na hangga’t walang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay mananatili ang enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar na may mataas na bilang ng naturang pandemic na karamdaman.

Kasi naman kapag binawi na ang deklarasyon sa ECQ sa NCR at iba pang lugar na mayroong mataas na bilang ng COVID-19 ay baka mangyari ang kinatatakutan ng Pangulong Duterte na i kalawang bugso nang pagkalat ng virus na mismong ang pangulo ang nagsabi na hindi na kakayanin pa ng pamahalaan kapag nangyari ang naturang senaryo.

Kasi po mismong ang Department of Health (DOH) ang nagsasabi na maari pa ring magpositibo muli sa COVID-19 ang mga pasyenteng gumaling na mula sa malupit at nakakamatay na kalabang hindi nakikita.

Patunay ay si Senator Edgardo Sonny Angara na unang   nagpositibo sa COVID-19, matapos na magpagamot ay nagnegatibo na subalit ngayon ay nagpositibo ulit.

Kapag ang nangyari sa lahat ng mga gumaling sa naturang sakit ay muling magpopositibo sa virus, ito na ang ikalawang bugso na kinatatakutan ng pamahalaan.

Sa oras na mangyari na ang kinatatakutan nating ikalawang bugso ng COVID-19 di na natin alam kung saan na pupulutin ang Pilipinas at baka malagpasan na natin ang iba pang bansa sa Asia na mayroong mataas na bilang ng may sakit at namatay sa COVID-19.

Dahil sa ngayon nga na mayroon nang ipinapatupad na ECQ sa national Capital Region at sa ilan pang lalawigan ay patuloy pa rin sa paglobo ang mga tinatamaan ng naturang sakit, at sa ngayo’y nangangapa na ng pondo ang pamahalaan upang maipagpatuloy ang paglaban sa COVID-19, paano na lang  kaya kung mangyari ang kinatatakutan nating ikalawang bugso?

Kung nagampanan lamang ng mabuti ni DOH Secretary Francisco Duque III ang kanyang tungkulin siguro di natin sasapitin ang krisis na ito.

Dahil kung nai-rekomenda sana kaagad niya kay Pangulong Duterte na magdeklara nang total lockdown sa ating bansa dahil mayroon ng nagpositibo sa naturang sakit di sana ay hindi ganito ang sitwasyon natin ngayon.

Nagyabang pa kasi si Sec.  Duque na umano’y kontrolado pa nila ang sitwasyon, Samantalang nang magkaroon ng positibo sa COVID-19 ay wala naman tayong nakahandang mga kagamitan at gamot. Ang sample na kinuha sa isang hinihinalang may tama ng sakit ay inaabot ng 14 na araw bago malaman ang resulta.

Kaya nabulaga ang bansa sa biglang paglobo ng bilang ng mga taong mayroong COVID-19.

Walang ibang dapat sisihin kung hindi si Duque dahil sa kanyang pagiging pabaya.
Ang mga senador na pinangunahan mismo ni Senate President Tito Sotto ang humiling kay Pangulong Duterte na sibakin na sa puwesto ang Kalihim ng Kalusugan dahil sa kapabayaan niya at kawalan ng kakayahan na  na gampanan ang kanyang responsibilidad.

Kung pinakingan lang sana ni Duque ang panawagan ng isang gobernador mula Bicol, noong may dalawa pa lang na nagpositibo sa COVID-19, na magdeklara na ng lockdown ang gobyerno upang masiguro na hindi tayo mapipinsala ng husto ng virus mula sa China, di sana hindi natin inabot ang pinsalang ito na lumulumpo sa kalusugan ng mga tao at ekonomiya ng bansa.

Kung mayroon pa sanang natitirang kahihiyan itong si Secretary Duque dahil sa kanyang kapalpakan, dapat siya na mismo ang magbitiw sa puwesto at huwag na niyang hintayin pa na ang pangulo ang magsabi sa kanya na magbitiw na sa puwesto!

Kayo na mga ka-SAKSI ko ang humusga. Ingat tayo lagi at gaya nang paala-ala sa atin ng pamahalaan ‘STAY AT HOME’. BERT MOZO

 

 

 

130

Related posts

Leave a Comment