Sa paghahabol sa SAP distribution deadline SOCIAL DISTANCING SA QC, PATULOY NA NALALABAG

DUMAGSA ang mga tao sa iba’t ibang barangay sa buong Quezon City dahil sa paghahabol ng lokal na pamahalaan sa itinakdang deadline ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance na P5K-P8K mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kabilang sa mga barangay na dinagsa ng mga tao para kumuha ng kanilang ayuda mula sa SAP ay ang mga barangay ng Matandang Balara, Batasan, Pasong Tamo at iba pang lugar sa nasabing siyudad.

Sa nabanggit na mga barangay, dahil sa sobrang dami ng taong dumagsa sa paghahabol ng distribusyon ng SAP, ay hindi nakontrol ang mga ito ng mga tagapagpatupad ng social distancing na kinabibilangan ng mga militar, pulisya at barangay.

Nauna nang itinakda ng DILG ang pagtatapos ng distribusyon ng SAP nitong nakaraang Abril 30, 2020 ngunit hindi natupad.

Sa kabila ng itinakdang deadline ng DILG ay karamihan halos ng LGUs sa Metro Manila ay hindi nasunod ang nasabing petsa.

Dahil dito, ang Metro Manila ay humiling sa DILG na muling bigyan ng palugit na pinayagan naman hanggang Mayo 7, 2020.

Sa pagkakataong ito, posibleng hindi na naman masunod ng Quezon City government ang ibinigay na deadline hanggang ngayong araw (Mayo 7, 2020).

Sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng SAKSI NGAYON, ang nabigyan ng Quezon City government ng SAP subsidy na P8K ay nasa 15% pa lang.

Sinabi naman ng mga barangay official ng Brgy. Pasong Tamo, kung kinakailangan na mag-24 oras sila sa distribusyon ay gagawin nila para makaabot sa deadline na itinakda ng DILG ngayong araw (Mayo 7).

Ayon naman kay Secretary Carlito Galvez, chief implementor ng National Task Force (NTF) COVID-19, maaari namang umanong humingi uli ng palugit ang mga LGU na hindi makahahabol sa itinakdang deadine.

Binanggit ng kalihim, hindi niya alam kung ano ang pwedeng ipataw ng DILG sa mga LGU na hindi makakaabot o lumabag sa itinakdang deadline.

Sa inilabas na ulat ng Department of Health (DOH), hanggang Mayo 4, alas-7:00 ng gabi, ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City ay nasa 1,339.

Ang kabuuang kumpirmadong kaso na may kumpletong address ng Quezon City ay nasa 1,191, samantala ang kabuuang bilang ng validated cases ng QC Epidemiology and Surveillance Unit and District Health Offices ay nasa 1054.

Ang aktibong COVID-19 sa siyudad ay nasa 658, at ang naiulat na bagong recoveries ay nasa 6, at ang kabuuan ay nasa 264.

Ang kabuuang bilang ng mga namatay sa Quezon City hanggang Mayo 4, ay umabot na sa 132. (JOEL O. AMONGO)

273

Related posts

Leave a Comment