INUPUAN ng Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso sa nakaraang tatlong Kongreso ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sa pagsasaliksik ng Saksi Ngayon, unang inihain ni dating Isabela Rep. Giorgiddi Agabao ang House Bill (HB) 4997 noong 16th Congress, panahon ni dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr., para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Ini-refer ito ng House committee on rules sa Franchise committee na pinamumunuan ni dating Marikina at ngayo’y Mayor Marcelino Teodoro noong Setyembre 9, 2014 subalit hindi inaksyunan hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Benigno Aquino.
Noong 17th Congress o panahon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez, 3 panukalang batas ang inihain ng mga mambabatas para sa renewal ng prangkisa ng nasabing TV network.
Kabilang sa mga naghain ng panukala sina Nueva Ecija Rep. Micaela Violago (HB 4349), magkapatid na dating Davao City Congressman at ngayo’y Secretary to the Cabinet Karlo Norgales at PBA party-list Jericho Nograles (HB 682) at HB 160 ni Manila Rep. John Marvin Nieto.
Gayunpaman, hindi umusad ang nasabing panukala sa Franchise committee ni Palawan Rep. Franz Alvarez sa hindi malinaw ng kadahilanan.
Noong Hulyo 2018, pinalitan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Alvarez matapos itong patalsikin sa Speakership subalit hanggang matapos ang termino ng dating Pampanga Congresswoman ay hindi rin inaksyunan ng mga nabanggit na komite.
Ngayong 18th Congress sa pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano, 13 panukalang batas na inihain ng mahigit 25 congressmen subalit hindi rin inaksyunan ni Cong. Alvarez mula noong Hulyo 2019.
Huling nagkaroon ng pagdinig ang nasabing komite noong Marso 10, 2020 kung saan kumuha lang ng katiyakan ang mga mambabatas sa National Telecommunication Commission (NTC) na hindi isasara ang ABS-CBN kahit mapaso ang kanilang prangkisa pagdating ng Mayo 4, 2020 habang dinidinig ng Kongreso ang kanilang renewal application.
Gayunpaman, hindi inaprubahan ng komite ang pagpapalawig ng panibagong 25 taon sa prangkisa ng ABS-CBN at sa halip ay binuksan ang komite para magsumite ng posisyon ang mga kontra at pabor sa aplikasyon ng nasabing TV network. BERNARD TAGUINOD
193 