SANA NGA PAGSUBOK LANG

PUNA

HANGGANG ngayon, nag-iisip tayong mga Pinoy kung pagkatapos ba nitong ipinatutupad na social distancing at enhanced community quarantine (ECQ) ng pamahalaan sa layunin nitong labanan ang coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay babalik   kaagad ang buhay natin sa normal.

Matagal-tagal din nga namang nanatili sa bahay ang maraming Pinoy bilang pagtulong at pagsunod sa kautusan ng pamahalaan  subalit marami pa rin ang naging pasaway na bagaman may ipinatutupad na lockdown ay marami pa rin ang laman ng lansangan.

Kaya naman patuloy ang pagdami ng mga nagpopositibo sa kaso ng COVID-19 ay dahil marami ang pasaway at ayaw tumigil na lang sa kanilang bahay dahil nga naman hindi sila nasanay na natatali sa kani-kanilang bahay. Kapag nasita ang mga ito ay kaagad na nagrereklamo at sasabihing wala na silang kalayaan.

Kabilang sa mga reklamador ay iyong mga politikong ibinoto at iniluklok ng mga mamamayan sa puwesto na karamihan sa mga ito ay traditional politician (trapo).

Bukod sa pagiging mareklamo, mapili pa ang mga ito dahil karamihan sa binibigyan nila ng ayuda na ang pondo ay galing sa buwis ng taumbayan ay mga kapamilya, kaibigan at kakampi nila at hindi ang mga talagang nangangailangan na kanilang nilalampas-lampasan lang.

Kaya nga ilang panahon na lang ay puwede nang gumanti muli ang taumbayan sapagkat dalawang taon na lang ay halalan na naman. Sa pagkakataong ito, hindi na nila dapat kalimutan ang kanilang pinagdaanan sa kamay ng mga politiko, tulad ng mayor, congressman at gobernador isama pa ang chairman ng barangay, na kanilang iniluklok sa puwesto subalit pinagkaitan naman sila ng tulong na kanilang kailangan nitong panahon na kailangang-kailangan ang ayuda.

Ang dadamot mamahagi ng ayuda ng mga nasa puwestong ito gayung ang suweldo naman nila ay galing sa pawis ni Juan Dela Cruz kaya dapat ay pagdamutan din sila ng boto ng mamamayang kanilang hindi pinansin nitong mayroong krisis.

Sa totoo, marami na sa mga Pinoy ang naging mataas na ang tingin sa kanilang sarili at hindi na pinahahalagahan ang pagkilala sa Panginoon kung kaya’t nagkakaroon ng pagsubok.

Posible ngang sinusubukan lang ng nasa Itaas ang tatag ng ating pananampalataya sa Kanya kaya’t pinagdaraanan natin ang pagsubok na ito. Pwede rin namang isang paraan ito upang turuan tayo na na mahalin ang ating kapwa at kalikasan at maging masaya kung ano ang mayroon tayo at hindi na maghangad ng kung anu-ano pa na magdudulot ng problema sa kabuhayan at buhay ng lahat ng tao.

Hindi ba’t ngayon ay nakikita na natin ang asul na kalangitan ang ganda nang pagsikat at paglubog ng araw dahil nabawasan na ang mga sasakyang araw-araw ay dumaraan sa mga lansangan at tumigil ang operasyon ng mga pabrika na ang mga makina ay nagbubuga ng maiitim na usok na sumisira sa kalikasan at maging sa klima.

Higit sa lahat, ayon kay P/LtGen Guillermo Lorenzo Eleazar, ng Philippine National Police, ay malaki ang nabawas sa krimen sa bansa na dating problema ng pamunuan ng pulisya.

Kailan nga ba matatapos ang ECQ? Sakali bang magtungo tayo sa general community quarantine (GCQ) ay handa na ba ang iba pang lugar? O baka naman maging sanhi lang ito nang panibagong problema ng pamahalaan sapagkat malaki ang posibilidad nang pagbugso ng ikalawang buhos ng mga tinamaan ng hindi nakikitang kalaban?

Sana matapos na ang pandemyang ito upang makapagsimula na muli ang lahat sapagkat batid ng marami na kapag natapos ang ECQ at bumalik na sa trabaho ang marami ay marami at malaki na rin ang kanilang kakaharaping problema.

Magkaganoon pa  man ito ang aking dasal, “Panginoon, naniniwala kami sa iyong kapangyarihan at walang imposible kung gugustuhin mo kaya ipinauubaya na namin ang aming mga sarili sa iyo.”

137

Related posts

Leave a Comment