INILAGAY ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang National Capital Region at dalawang lugar sa ilalim ng modified enhanced community quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Maliban sa Metro Manila, inilagay din sa modified ECQ ang Laguna at Cebu CIty matapos ang May 15.
Ang mga rehiyon na nasa ilalim ng GCQ matapos ang May 15 ay kinunsidera naman sa ilalim ng moderate risk . Ito ay ang Region II, Region III, Region IV-A maliban sa Laguna, CAR, Region VII maliban sa Cebu, Region IX, Region XI at Region XIII (CARAGA).
Ang mga rehiyon naman na kinunsidera bilang low-risk at hindi na sasailalim pa sa GCQ o ECQ ay Region I, Region IV-B, Region V, Region VI, Region VIII, Region X, Region XII at BARMM.
Nabuo ang desisyon na ito ni Pangulong Duterte matapos makipagpulong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kagabi, Mayo 11.
Matatandaang pinalawig ang ECQ hanggang May 15 sa Metro Manila, Central Luzon (except Aurora), CALABARZON, Pangasinan, Benguet, Albay, Bacolod City, Iloilo province, Iloilo City, Cebu City, Cebu province, Zamboanga City at Davao City.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim naman ng ‘less strict general community quarantine.’
Nauna rito, inirekumenda ng Metro Manila mayors sa IATF ang tatlong senaryo matapos ang second extension ng ECQ na magtatapos sa May 15.
Ang unang rekomendasyon ay extension ng ECQ para sa dalawa pang linggo o magtatapos sa buwan ng Mayo, ang ikalawang rekomendasyon ay ilipat na ang Metro Manila mula sa ECQ patungong GCQ at ang ikatlo ay modified combination ng ECQ at GCQ.
Nauna rito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang COVID-19 transmission rate, kapasidad ng healthcare system at kalagayan ng ekonomiya ang mga pinagbasehan ng pamahalaan para magdesisyon ukol sa ease restrictions sa ilang lugar sa Metro Manila, kung saan mayorya ng infections sa bansa ay naitala.
Nagbabala rin ito na ang banta ng virus ay nananatili kahit na ang lugar ay nasa ilalim ng GCQ.
“Kaya kinakailangan pong mag-ingat tayo dahil ang ibig sabihin lang ng pagbaba ng ECQ sa GCQ – mayroon pa rin pong banta hindi lang ganoon katindi – pero kapag binaba po sa GCQ, iyan po ay critical pa rin ang ating sitwasyon,” ayon kay Sec. Roque.
“Hindi na po tayo pupuwedeng bumalik sa normal gaya noong bago dumating ang COVID-19 habang walang bakuna, habang walang gamot sa COVID-19. Kung tayo po ay magpipilit na magbubulag-bulagan sa COVID-19 ay baka ang kapalit po niyan ay ang ating mga buhay,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque. CHRISTIAN DALE
