Isinasangkalan na lamang ng ABS-CBN at kanilang mga tagasuporta ang usapin sa press freedom para sa kanilang pansariling interes na mabuksan muli ang kanilang istasyon.
Ito ang pananaw ng isang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng opinyon niyang ito, dahil hindi umano naapektuhan ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa nang ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ABS-CBN.
“Off the record. ABS-CBN and supporters will use Press freedom angle to force for their interest to get opened,” ayon sa kongresista nang tanungin ng Saksi Ngayon kung naapektuhan ang press freedom sa pagpapasara ng NTC sa nasabing network.
Ayon sa kongresista, kung namatay ang press freedom nang isara ng NTC ang ABS-CBN noong Mayo 5, matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Mayo 4, ay hindi na rin sana aniya nag-o-operate ang ibang istasyon ng telebisyon at radio kasama na ang mga print media.
“Other side will show there’s no oppression of press freedom since everyone is free to say anything they want and no other station or press is closed or muted,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, hindi nagustuhan ng mambabatas ang pagsasangkalan umano sa press freedom para lamang buhayin ang ABS-CBN dahil kahit ang social media ay aktibo aniya sa pagpapahayag ng kanilang damdamin.
Noong Biyernes, Mayo 8, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na ang nakaumang nilang imbestigasyon sa NTC at maging kay Solicitor General Jose Calida ay walang kinalaman sa press freedom na inaangal ng ilan, kundi ang hindi pagtupad ng komisyon sa Kongreso na mag-iisyu ang mga ito ng provisional authority upang maipagpatuloy ng nasabing istasyon ang kanilang operasyon habang dinidinig ang kanilang franchise renewal application.
“To be clear, this is not about the franchise of ABS-CBN, for that is a matter that will be dealt with in due time and in the manner that the House sees fit for the seriousness of the issues being raised,” ani Defensor.
“Nor is this about the freedom of the press, for as we can all see everyone is still free and able to express their views on what is happening in the country,” ayon pa sa mambabatas. BERNARD TAGUINOD
