Mga bisitang opisyal damay rin KASONG KRIMINAL VS SINAS

INIHAHANDA na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay NCRPO Chief Debold Sinas, ngayong araw, Mayo 15.

Inihayag ito ni Presidential spokesperson Harry Roque base sa napag-usapan umano nila ni PNP Chief PGen. Archie Gamboa hinggil dito.

“Per my latest conversation with Philippine National Police Chief PGen. Archie Gamboa, a criminal case is now being readied to be filed tomorrow against NCRPO Chief Debold Sinas, along with other senior police officials who attended the gathering,” ayon kay Sec. Roque kahapon.

Kumukuha rin ng clearance ang PNP mula sa Office of the President (OP) hinggil sa paghahain naman ng kasong administratibo dahil sa paglabag sa quarantine rules ng mga di umano’y violators.

Nauna rito ay inatasan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang PNP na magsumite sa Malakanyang ng resulta ng imbestigasyon nito sa diumano’y birthday party ni Sinas sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Ipinalabas ni Medialdea ang kautusan sa PNP-Internal Affairs Service, na siyang tumitingin ngayon kung nay paglabag sa quarantine protocols ang nasabing birthday party.

“I think it is a significant development na no less than the Executive Secretary has ordered the investigation and the results be forwarded to his office,” ayon kay Roque.

Nauna nang umani ng batikos ang birthday party ni Sinas matapos i-post ang mga larawang kuha rito sa Facebook page ng NCRPO.

Binatikos din ng tinaguriang “Marikina 10” ang insidente na umano’y pagpapakita ng hindi patas na pagpapatupad ng lockdown protocols ng mga pulis.

Maalalang inaresto ang Marikina 10 habang nagsasagawa ng soup kitchen sa siyudad ng Marikina noong Labor Day para sa mga displaced na tsuper. Kalauna’y napalaya rin sila.

Samantala, tiniyak din ng DILG na hindi ‘off the hook’ si Sinas.

Ayon kay Interior Sec. Eduardo Año, tinanggap na niya ang apology ni Sinas pero hindi aniya ito nangangahulugan na hindi na maaaring managot ang naturang opisyal. CHRISTIAL DALE, JESSE KABEL

163

Related posts

Leave a Comment