NBI PINAAAKSYON LABAN SA MALALASWANG FB PAGES

KINALAMPAG ni Senador Risa Hontiveros ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at ipasara ang online pages na pawang bastos at naglalagay ng mahahalay ng larawan partikular sa Facebook.

Sa kanyang liham sa NBI, sinabi ni Hontiveros na nananatiling aktibo ang ilang FB pages na nananamantala sa murang edad ng kabataan.

“Please help put a stop to Facebook and online pages that sexually exploit children,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, nakarating sa kanyang opisina na mayroong mga Facebook page kung saan naka-post ang napakaraming mahahalay na larawan ng mga batang babae. “Matagal na ang mga Facebook page na ito ngunit active pa rin daw ang mga post at groups.”

“Isa pa sa nakita namin ang Facebook page na may pangalang “Mahilig sa Bata”. Napakasakit makita ang mga ito, lalo na para sa akin bilang isang ina at babae,” giit ng senador.

Sinabi ni Hontiveros na ngayong may COVID-19 pandemic, may reports na nagsasabing puwedeng mas dumami ang kaso ng online sexual exploitation ng kabataan.

“We need to be more vigilant and make sure that our children are safe and secure, online and offline,” ayon kay Hontiveros.

Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa NBI na imbestigahan at agarang i-take down ang mga Facebook page na ito.

“Kailangan malaman din ng NBI kung sino-sino ang mga taong nagpapatakbo nito. Kailangang panagutin at ipakulong ang mga kriminal na nasa likod ng Facebook pages at online content na ito,” ani Hontiveros.

Aniya, kailangan managot din ang Facebook sa mga kabastusanng ito.

“The tech giant, with all its resources, should have technologies and mechanisms in place that prevent these kinds of pages from existing. Sobrang nakakabahala na hanggang ngayon, may mga ganito pa ring nangyayari sa platform na ito,” ayon sa senadora.

Iginiit pa ng mambabatas na kailangan protektahan ang online space bilang safe spaces. “We need to make sure that our children are safe online, lalo na ngayong mas marami ang oras na ginugugol nila sa social media.”

“I am also calling on the public to be more vigilant in ending online sexual exploitation of children by reporting these pages to authorities. Together, we can protect our children,” aniya. ESTONG REYES

151

Related posts

Leave a Comment