SINABIHAN ng Malakanyang ang lahat ng mga kompanya na pinahihintulutan nang magbukas sa ilalim ng modified ECQ na kung hindi sila makapagpo-provide ng shuttle service sa kanilang mga empleyado ay huwag na muna silang magbalik operasyon.
Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay matapos lumutang ang mga katanungan na kung paano umano makapapasok sa trabaho ang mga empleyado na nasa MECQ area kung wala namang pampasaherong sasakyan na pinapayagang pumasada.
Ani Sec. Roque, mas mabuting huwag na munang magbukas ang mga kumpanyang hindi magbibigay ng service para sa kanilang mga empleyado na manggagaling sa MECQ area.
Paliwanag ni Sec. Roque, kinakailangan pa rin ang mga restriction sa mga lugar na nasa MECQ upang maiwasan ang tinawatawag na second wave infection ng virus.
Lahat naman aniya ay nais nang muling magbalik ang sigla ng ekonomiya ngunit dapat aniyang isaalang-alang ang dobleng pag-iingat upang hindi mangyari sa Pilipinas ang nangyari sa ibang bansa na matapos luwagan ang lockdown o ECQ ay muling tumaas ang kanilang COVID-19 cases. CHRISTIAN DALE
256
