HINILING ni Senadora Maria Imelda Josefa “Imee” Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang mga supermarket na ipinaaako sa kani-kanilang mga empleyado ang gagamitin nilang personnel protective equipment (PPEs).
Ani Marcos: “Dapat imbestigahan ng DOLE at ng DTI ang ginagawang panloloko ng ilang mga supermarket sa kanilang mga empleyado. Kung mapapatunayang meron ngang ginawang paglabag, dapat lang na parusahan ang mga may-ari ng supermarket.”
“Yung isang malaking supermarket, binigyan lang sila ng face mask ng isang beses at ang mga sumunod na araw sila na ang dapat mag-provide ng kanilang mga gamit. Yung mga security guard naman, binigyan sila ng face shield pero pagdating sa face mask sila na ang bumili para sa kanilang sarili,” banggit ni Marcos.
Hindi naman pinangalanan ng senador ang mga tinutukoy na supermarket.
Ang panawagan ng senadora ay nakabatay sa joint guidelines ng DOLE at DTI na nag-aatas sa mga kumpanya na bigyan ng PPEs ang kanilang mga manggagawa upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Naiinis si Marcos sa mga namamahala sa supermarket na sobrang balasubas, sapagkat aniya “pati ba naman face mask ipagdadamot n’yo pa sa sarili ninyong mga empleyado? Kakarampot na nga lang ang sinasahod ng mga cashier, bagger at promodizer, pero natitiis pa ninyong sila mismo ang bumili ng face mask mask at alcohol.” NELSON S. BADILLA
