10% sa advertisements dapat ilibre sa gobyerno WALANG PAKINABANG SA ABS-CBN

MATAGAL nang walang pakinabang ang mga Filipino sa libreng airwaves na ginagamit ng ABS-CBN kaya panahon na para ilaan ng mga ito sa gobyerno ang 10% sa kanilang advertisements spot upang hindi na mapagastos ang taumbayan sa paghahatid ng impormasyon sa publiko.

Ito ang iginiit ni House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay ng probisyong inilagay ng mga ito sa House Bill (HB) 6732 o Provisional Authority (PA) ng ABS-CBN hanggang Oktubre 31, 2020, na ilaan ang 10% sa kanilang advertisement sa gobyerno.

Sa interpelasyon ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na kilalang supporter at nagtutulak na aprubahan na ang franchise renewal application ng ABS-CBN, tutol ito sa paniwalang ilegal ito dahil walang ganitong probisyon sa prangkisa ng ibang broadcast network.

Pero ayon kay Cayetano, kasama na ang probisyong ito sa Republic Act (RA) 1029 o ang prangkisa ng GMA-7 kaya dapat aniyang isama rin ito sa prangkisa ng ABS-CBN dahil namumulubi ang gobyerno sa pag-advertise dahil umaabot na sa P1 Million hanggang P1.4 Million sa bawat 30 second advertisement kapag may gustong ianunsyo o i-promote ang gobyerno, gayung libreng ginagamit ng nasabing network ang airwaves.

“Since libre yung airwave pagka for public interest kailangan mo yan…merong naka-reserve din sa gobyerno. Kung hindi nagkakamali before the crisis between P1 million to P1.4 million na ang ads sa channel 2 at channel 7 for a 30-second spot. Kung hindi ako nagkakamali yan ang going rate po, yan talaga ang nasa advertising industry even with those rates maraming naga-advertise napupuno nga po sila,” ani Cayetano.

Dahil masyadong mahal aniya ang singil sa advertisement, walang kalaban-laban ang gobyerno lalo na sa prime time kung saan okupado ng malalaking kumpanya na nagpo-promote ng kanilang produkto.

Sinabi rin ni Cayetano na ang PA na itinutulak ng mga ito ay upang magkaroon ng sapat na panahon ang Kongreso na dinggin ang mga alegasyon laban sa nasabing network bago desisyunan kung aaprubahan o hindi ang kanilang 25 years franchise extension. BERNARD TAGUINOD

139

Related posts

Leave a Comment