OFW PENSION, MULING ISINUSULONG

AKO OFW

 

MARAMING isyu ang muling nabuksan dahil sa nararanasang pandemyang COVID-19 na kinakaharap ng buong mundo.

Isa na rito ang reyalisasyon ng mga datihang Overseas Filipino Worker (OFW) na sa ganitong pagkakataon na dumaranas tayo ng krisis, wala palang maaring asahan ang mga dati o retired OFW.

Karamihan sa mga retired o ex-OFW ay hindi man lamang napabilang sa nabigyan ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Marami pa nga sa kanila ay nagpapadala ng messages sa inyong lingkod at marami ay nagagalit at nagtatampo dahil sa ating paliwanag na hindi na sakop ng DOLE-AKAP at Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA) ang mga retired o ex-OFW.

Karamihan sa mga matagal ng miyembro ng OWWA na ngayon ay retirado na ay pilit na hinihingi ang diumano ay matagal na nilang naging kontribusyon noong sila ay isa pang OFW.

Nitong nakaraan Setyembre 2019, inilunsad ng OWWA ang pagbibigay ng ‘rebate’ para sa mga OFW na mahigit sampung (10) taong miyembro at nakapagbayad ng 5 beses na membership sa OWWA subalit hindi kailanman nakakuha o nakagamit ng anumang financial assistance.

Ngunit ito ay malamyang tinatanggap ng mga OFW, dahil diumano ay hindi ito sapat para sa pangangailangan lalo ng mga retiradong OFW. Dahil dito ay kanilang hinihiling na sa halip na pagbibigay ng ‘rebate’ ay gawin na lamang pension ang programang ito ng OWWA.

Marahil ay dapat na muling pag-aralan ng ating mga mambabatas na busisiin ang mandato ng OWWA sa ilalim ng umiiral na Republic Act No. 10801 na may titulong “AN ACT GOVERNING THE OPERATIONS AND ADMINISTRATION OF THE OVERSEAS WORKERS WELFARE ADMINISTRATION”. Dito kasi ay nilimitahan lamang ang maaring pasukin na serbisyo ng OWWA at hindi kabilang dito ang pagkakaroon ng Pension Plan para sa mga OFW.

Katwiran kasi ng mga nag-akda ng batas na ito na mayroon naman Social Security System (SSS) na maaring bayaran ang mga OFW kung ibig nilang magkaroon ng pension. Ngunit katwiran ng mga OFW, dapat na ang perang kanilang iniambag sa OWWA ang dapat nilang pakinabangan lalo na kung kahit minsan ay hindi naman sila nakakuha ng kahit anumang programa ng OWWA.

Noon pang taong 2017, ay isinusulong na ng AKO OFW ang pagkakaroon ng “OFW Pension Plan” na iba sa kasalukuyang SSS Pension. Ito ay base sa kahilingan na rin ng maraming mga OFW lalo na ng mga nagretiro na. Base kasi sa kanilang karanasan ay lubhang napakahirap ng buhay ng mga retiradong OFW, lalo na kung wala silang sariling pension.

Karamihan kasi sa mga retiradong OFW ay kapag umuwi na sa Pilipinas ay walang maaring asahan na kabuhayan o hindi nakapaghanda para sa kanilang sarili dahil mas inuna nilang pagkagastusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya lalo na ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Kaya sa oras na sila na ang mangangailangan ng tulong ay wala na silang matakbuhan na mahihingan ng tulong para sa kanilang sarili. Mas malaki ang tiwala ng mga OFW sa OWWA dahil ito ay ahensyang nakatutok mismo sa kapakanan ng mga OFW.

247

Related posts

Leave a Comment