MANANATILING nakapiit sa National Bureau of Investigation Headquarters sa Maynila ang YouTuber na si Norman Mangusin, alyas Francis Leo Marcos.
Ayon kay NBI Spokesman Deputy Director Ferdinand Lavin, ito ay dahil sa dalawa pang warrant of arrest laban kay Marcos kabilang ang may kinalaman sa human trafficking na non-bailable offense.
Ayon naman kay NBI Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo, sa kasong paglabag sa Optometry Law, nagrekomenda ang Baguio court ng P20,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Marcos.
Gayunman, sinabi ni Lorenzo, bukod sa kaso sa NBI-CCD, iniimbestigahan din si Marcos ng iba pang NBI units sa iba pang mga krimen.
Bineberipika rin ni Lorenzo ang impormasyon na si Marcos ay nahaharap sa kaso sa Manila court dahil sa qualified trafficking bunsod ng umano’y pag-recruit ng mga kabataan, ilang taon na ang nakalilipas, at paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act sa korte ng Gapan, Nueva Ecija.
Magugunitang nadakip noong Martes si Marcos sa Quezon City dahil sa kasong Optometry Law o Republic Act 8050 na isinampa sa kanya noong Pebrero 2018 ng Philippine Association of Optometry sa Baguio City dahil sa pamimigay nito ng mga salamin sa mga tao nang walang pahintulot ng nasabing samahan.
Inaalam din ang dahilan ng paggamit ng ibang pangalan ni Marcos na kilala rin bilang si Norman Mangusin.
Itinanggi naman ni Marcos ang mga kaso na ikinakabit sa kanyang pangalan dahil marami lamang umano ang naiinggit sa kanya lalo sa kanyang “Mayaman Challenge” na naging viral sa social media kamakailan.
Binigyang-diin din niyang ang totoo niyang pangalan ay Francis Leo Marcos at wala siyang magagawa dahil ‘yun ang ibinigay ng kanyang ina.
Ayon pa sa kanya, wala siyang ginawang krimen, hindi nangholdap at wala pinatay. Naging masipag lang umano siya sa paghahanapbuhay kaya siya nagkaroon ng mga ari-arian na ginagamit niya sa pagtulong sa mga tao sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kamakailan, nag-isyu ng tseke si Mangusin na may halagang P25,000 kay San Juan City Councilor Paul Artadi bilang tulong sa mga nasasakupan nito.
Dahil sa nasabing pagtulong sa mga nangangailangan sa gitna ng COVID crisis ay naging matunog ang pangalan ni Marcos sa social media hanggang sa umani ng mga papuri mula sa netizens na nakapanood ng kanyang pamamahagi ng ayuda partikular ng sako-sakong bigas at cash.
Bukod dito, umani rin ng mga batikos si Marcos dahil umano sa mayabang nitong mga pahayag sa kanyang mga YouTube channel tungkol sa pamamahagi ng tulong sa mga tao. (JOEL O. AMONGO)
