‘WAG MAKIPAG-AGAWAN SA LIBRENG COVID TEST

DPA

KUNG mayroon pinamaka-suwerteng empleyado sa buong mundo kasama na ang Pilipinas ay ang mga state employees dahil tuloy tuloy ang kanilang sahod kahit walang kita ang gobyerno.

Taliwas sa mga manggagawa sa pribadong sektor lalo na ang no work-no pay employees o ang mga tinatawag nating contractual employees na nawalan ng kita sa nakaraang halos tatlong buwan.

Sa government employees maliban lang siguro sa mga contractual at job order employees, tuloy-tuloy ang kanilang sahod at naibigay pa ang kanilang mid-year bonus.

Oo, nagtatrabaho sila sa panahon ng community quarantine sa pamamagitan ng sistemang work from home pero palagay ko hindi silang lahat ay produktibo sa nakaraang halos tatlong buwan ngunit walang kaltas ang kanilang sahod.

Pero ang endo workers, gustuhin man nilang magtrabaho habang nasa kanilang bahay ay hindi nila magawa dahil ang kanilang trabaho ay hindi pang-online kundi personal at mano-mano nilang ginagawa.

Bakit ko ito tinatalakay? Dahil kasama ako sa hindi pabor na ilibre ang mga government employees lalo na ang mga matataas ang sahod sa coronavirus disease 2019 test.

May nagmungkahing kongresista na kesyo unahin sila sa COVID-19 dahil nagbabayad naman daw sila ng PhilHealth contribution kasama ang kanilang mga empleyado. Parang nagpapalibre ano po? Ang sahod ng isang kongresista buwan-buwan ay P295,000.

Ang daming ordinaryong mamamayan na nawalan ng trabaho ang dapat unahing i-test ng libre dahil wala silang pambayad habang ang mga empleyado ng gobyerno na sumasahod ng P51,000 pataas ay dapat huwag nang magpalibre.

Maaari nilang sabihing karapatan din nilang magpa-test ng libre dahil malaki ang kinakaltas sa kanilang income tax at may kontribusyon din naman sila sa Philhealth pero ang pakiusap lang ay baka naman puwede sa pagkakataong ito ay huwag nang makipag-agawan sa ordinaryong Filipino.

Umaabot sa P8,150 ang isang test sa COVID-19 na hindi kakayanin ng ating mga kababayan kaya hindi na lang sila magpapa-test maliban lamang kung oobligahin sila ng gobyerno at libre ang test na ito.

Mabuti kung sa unang test ay negatibo na pero papaano kung magpositibo? Eh di doble ang kanilang gagastusin dahil kailangan nilang ang second test lalo na pagkatapos ng kanilang self-quarantine.

Kayang-kayang sagutin ng mga empleyado ng gobyerno na may salary grade (SG) 20 pataas, ang COVID-19 test na ito at hindi ito malaking kabawasan sa kanilang sahod kumpara sa mga mamamayan na walang regular na hanapbuhay.

Ang halagang ito ng COVID-19 test ay mas malaki pa sa ayudang ibinigay ng gobyerno sa mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng Special Amelioration Program (SAP) dahil sa National Capital Region (NRC) ay P8,000 lang ang ibinigay habang sa labas ng Metro Manila ay P6,500 at yung mga nasa malalayong lalawigan at mas mababa dahil P5,000 lang ang bawat pamilya.

Kaya ang pakiusap natin na boluntaryong sagutin na lamang ng mga government officials at employees ang kanilang COVID-19 test para mas maraming ordinaryong mamamayan ang masusuri.

Huwag kayong magalit ha? Pakiusap lang naman ito, pero kung ayaw nyo dahil mayroon din naman kayong karapatan sa serbisyo ng gobyerno, bahala na sa inyo ang konsensiya nyo!

141

Related posts

Leave a Comment