TINIYAK ng pinuno ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) sa mga senador na balik na ang dating kaayusan ng lungsod sa 2021.
“Yes, your honor, we can meet the target,” tugon ni Eduardo Del Rosario nang tanungin ni Senador Ronald dela Rosa hinggil sa target na pagtatapos sa pagsasaayos ng Marawi sa 2021.
Tiniyak din ni Del Rosario na walang nabawas sa pondong nakalaan sa nasabing proyekto.
Idiniin niya kay Dela Rosa na hindi ito nabawasan upang ilagay sa pondong panglaban sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) at mga ayudang pinansiyal sa 18 milyong pinakamahihirap na pamilyang Filipino at mga manggagawa.
“Actually, ‘yung pondo para sa Marawi rehabilitation ay wala tayong pagbabago and with regards to the timeline, we will inform and coordinate with our implementing agencies and their contractors that they have to double-time so that the timeline can be preserved and we get complete rehabilitation by December of [year] 2021,” pahayag ni Del Rosario.
Ang bagitong senador na si Dela Rosa ang pinuno ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation.
Batay sa rekord ng Kongreso, noong 2018 ay P406.5 milyon ang pondong isinauli sa National Treasury dahil hindi ito nagamit sa rehabilitasyon ng Marawi.
Sa nakalipas na 2019, P3.5 bilyon ang pondo na hindi rin nagamit.
Ngunit, hindi ito ipinabalik sa National Treasury dahil may inaprubahang panukalang batas si Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapahintulot na gamitin ang P3.5 bilyon hanggang katapusan ng 2020.
Iba pa ang inilaang badyet ng Kongreso para sa 2020 mismo.
Kaya, napakalaki ng pondo para sa pagsasaayos ng Marawi.
Noong Enero ng kasalukuyang taon, nanawagan si Deputy Speaket Mujiv Hataman sa TFBM na tiyaking magamit ang bilyun-bilyong pondo upang matapos na ang rehabilitasyon ng Marawi.
Noong Mayo 23, 2017 sumiklab ang digmaan sa Marawi nang lusubin ito ng teroristang Maute Group.
Limang buwan ang inabot bago ito nabawi ng mga sundalo at pulis ng pamahalaan.
Napakaraming bahay at kumpanya ang nawasak sa lungsod.
Napabalitang umabot sa 1,200 tao ang namatay sa digmaan.
