Bumoto sa Amerika noong 2016 GABBY LOPEZ TINALIKURAN ANG PILIPINAS

SA pagkakaroon ng American passport ni dating ABS-CBN chairman Eugenio “Gabby” Lopez III partikular noong pinamamahalaan niya ang naturang network ay lumalabas na tinalikuran niya ang bansang Pilipinas.

Ito ay matapos aminin kahapon ni Lopez sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at House Blue Ribbon committee na bumoto siya noong 2016 United States (US) presidential election.

“I voted in 2016 election,” sagot ni Lopez nang tanungin ni DUMPER PTDA party-list Rep. Claudinez Diana Bautista kung bumuboto pa rin ito sa Amerika bilang isang American citizen.

Sa nasabing halalan, nanalo si Donald Trump bilang pangulo ng Estados Unidos.

Hindi na tinanong si Lopez kung bumoto rin ito noong 2016 presidential elections sa Pilipinas kung saan nanalo si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang pangulo.

Sa nasabing pagdinig, inamin ni Lopez sa interpelasyon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na mula 1952 nang ipanganak ito sa Boston sa America hanggang 2000 ay hindi ito nagkaroon ng Philippine passport.

Nagkaroon lang siya ng Philippine passport nang maaprubahan ang kanyang Filipino recognition application subalit hindi nito binitiwan ang kanyang US passport hanggang ngayon.

“Your Honor, I have two passport. I used both passport,” ani Lopez.

Base sa nasabing pagdinig, sinabi ni Defensor na noong 1996, nag-apply ng renewal ng kanyang US passport si Lopez kung saan kabilang sa mga kondisyon ng aplikasyon ang pagtalikod nito at pagtiyak na walang ibang kinakampihang nasyon.

“Pag ikaw ay nag-apply ng renewal kung ikaw ay US citizen, parte ng kondisyon dun ay wala kang pagkampi o wala kang pagkilala sa ibang bansa o sa ibang gobyerno kundi ang gobyerno at bansa ng Estados Unidos (lamang),” ani Defensor.

Hindi direktang sinagot ni Lopez at ng kanyang abogado ang isyung ito kaya iminungkahi ni House deputy majority leader Jesus Crispin “Boying” Remulla na kumuha na lamang ng kopya ng aplikasyon ni Lopez sa renewal ng kanyang US passport.

Si Lopez ay President at Chief Executive Officer (CEO) ng ABS-CBN mula 1993 hanggang 1997 at naging chairman ng nasabing network mula 1997 hanggang sa magretiro ito noong 2018.

GINISA SA PAGIGING KANO

Tulad ng inaasahan, ginisa sa House joint hearing si Lopez.

Humarap si Lopez sa nasabing pagdinig sa pamamagitan ng zoom at nakuwestiyon ito sa kanyang tila ‘malamyang” patriotismo bilang Filipino dahil umabot pa ng 48 taon bago nito naisip na magpa-recognize bilang mamamayan ng Pilipinas.

“Mr. Gabby Lopez, kung talaga pong nasa puso ninyo ang init ng isang pagka-Pilipino, patriotism, bakit po naman hinintay po ninyo ang 48 taon para magpa-recognize kayo bilang Pilipino,” tanong ni Marcoleta.

Hindi na personal na nasagot ni Lopez ang tanong na ito ni Marcoleta dahil ipinasagot kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Emmiline Aglipay-Villar at sa kanyang abogado ang nasabing usapin.

Base sa mga record na hawak ngayon ng Kamara, taong 2000 lamang nagpa-recognize si Lopez bilang Filipino para magkaroon umano ito ng Philippine passport gayung sinasabi nito na ipinanganak lamang siya sa Amerika noong 1952 at dito na lumaki sa Pilipinas.

Umalis si Lopez sa Pilipinas noong 19-anyos ito para mag-aral sa Amerika at bumalik ito noong 1974 at muling umalis noong 1977 at saka umuwi noong 1986. BERNARD TAGUINOD

242

Related posts

Leave a Comment