HINDI pa tapos ang mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso sa paggisa kay Eugenio “Gabby” Lopez III sa kanyang pagiging American citizen habang kasama sa mga may-ari ng ABS-CBN bukod pa sa ibang paglabag.
Inatasan ni House committee on legislative franchise chairman Franz Alvarez, si Lopez na muling humarap sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kanilang prangkisa at umano’y paglabag ng ABS-CBN sa batas, sa Lunes, Hunyo 8.
Noong Miyerkoles, Hunyo 3, ay humarap si Lopez sa joint hearing ng komite ni Alvarez at House Blue Ribbon committee ni Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado, sa pamamagitan ng zoom kung saan ginisa ito sa kanyang citizenship.
Natuklasan sa nasabing pagdinig na mula 1986 kung saan nagsimulang maging opisyal si Lopez ng ABS-CBN hanggang 2001 ay American passport ang kanyang ginagamit at nagpapakilalang American citizen sa nilalagdaang customs at immigration forms.
Saka lang ito nagkaroon ng Philippine passport noong 2001 matapos aprubahan ng Bureau of Immigration ang kanyang petisyon na kilalanin siya bilang isang Filipino.
Bukod dito, inamin ni Lopez na bumuboto pa rin ito sa Amerika na ang huli ay noong 2016 US Presidential Election.
Dahil nagkulang ng oras ang komite, isang round lang ang ibinigay sa mga mambabatas sa paggisa kay Lopez kaya muli itong pinahaharap sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Lunes, kung saan isa si Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa nagpalista para muling makapagtanong sa dating chairman ng ABS-CBN.
“Kung hindi ako matapos, kasi nagsisimula pa lang ako eh, Puwede po sa second round ako,” ani Marcoleta kaya nagpalista ito na interpellator sa second round (sa Lunes).
Tanging ang usapin sa posibleng paglabag sa Article XVI, Section 11 ng 1987 Constitution ang pagmamay-ari at pamamahala ni Lopez sa ABS-CBN ang natalakay ni Marcoleta sa unang round ng kanyang interpelasyon dahil naubos ang 3 minutong ibinibigay sa mga mambabatas para makapagtanong.
Nakasaad sa nasabing batas na; “the ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens.”
Pinasusumite rin ni Alvarez kay Lopez ang kopya ng kanyang American at Philippine Passport at inatasan ang BI na ibigay sa komite ang travel history ng negosyante mula 1986 hanggang sa kasalukuyan.
Maging ang article of incorporation na isinumite ng ABS-CBN sa Securities and Exchange Commission (SEC) kung saan isa si Lopez sa incorporators ay hinihingi ni Alvarez ang kopya.
Unang sinabi ni SEC Commissioner Ephyro Luis Amatong sa joint hearing noong Miyerkoles na lahat ng mga dokumento na isinumite ng ABS-CBN sa SEC ay pawang “Filipino” ang inilagay na citizenship ni Lopez.
“In the records with the SEC we only have record submitted by ABS-CBN and other corporation with Mr. Lopez identifying him as Filipino citizen,” ani Amatong. BERNARD TAGUINOD
