REKLAMO NI BBM SA ‘PANDARAYA’ NI LENI, MAS MAHALAGA KAYSA PRANGKISA NG ABS-CBN

Badilla Ngayon

BASAHIN n’yo muna at unawaing mabuti kung bakit ganyan ang paksa ko ngayon, bago kayo magbigay ng reaksyon.

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang Alto Broadcasting System-Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN) Corporation upang ipawalang bisa ang pagpapatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) sa operasyon ng kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez noong Mayo 5.

Habang nag-aantay ang pamilya Lopez, sa pangunguna ni Eugenio “Gabby” Lopez III, sa desisyon ng Korte Suprema, nanghihingi na sila ng panibagong 25 – taong prangkisa ng ABS-CBN sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Kapag nagdesisyon ang Mataas na Hukuman pabor sa ABS-CBN, ibig sabihin ay maaaring makabalik agad ang operasyon ng nasabing kum panya habang hindi pa tapos ang talakayan sa Kamara de Representantes tungkol sa mga panukalang batas ng prangkisa ng giant network.

Ang opinyon ko rito ay hindi dapat pumabor ang mga mahistrado sa ABS-CBN, sapagkat wala silang pakialam sa gawain, tungkulin at obligasyon ng lehislatura.

Ang pagbibigay ng prangkisa o ang nagpapasya kung tuloy ang operasyon at negosyo ng media company o hindi ay trabaho at tungkulin ng Kongreso (na magsisimula sa Kamara).

Isa pa, mayroong umiiral na ‘jurisprudence’ ang Korte Suprema kung saan nagpasya ang huli noong Pebrero 2003 pa na nagsasabing hindi puwedeng mag-operate ang alinmang kumpanya ng telebisyon at radyo sa Pilipinas nang walang prangkisa.

Kung hindi ako nagkakamali, Saligang-Batas at umiiral na batas ang mga batayang legal ng mga mahistrado ng Ikatlong Dibisyon ng Mataas na Hukuman na pinamumunuan noon ni Senior Associate Justice Reynato Puno nang desisyunan nila ang isyu ng prangkisa.

Kaya, hindi nilabag ng Korte Suprema ang Konstitusyon at ang umiiral na batas ukol sa prangkisa at mismong sariling desisyon niya, kapag ibinasura ng mga mahistrado ang petisyon ng ABS-CBN.

Kung sisipating mabuti, hindi malaking legal na isyu ang reklamo ng ABS-CBN, sapagkat reklamo ito ng isang pangkat ng malaking ne gosyante laban sa aksyon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng NTC.

Hindi ito reklamo ng 110 milyong Filipino o ang pinakamalaking bilang ng mayorya nito.

Hindi ito reklamo ng 60 milyong manggagawang Filipino.

Ang kailangan at kagyat na talakayin at pagpasyahan ng Korte Suprema ay ang reklamo ni dating Senador Ferdinand “BongBong” Marcos II laban sa ‘pandaraya’ ni dating Naga City Rep. Maria Leonor “Leni” Robredo sa halalang 2016 upang manalo ang dating mambabatas bilang pangalawang pangulo sa nasabing eleksyon.

Matagal na rin ang reklamo ni Marcos (kilala rin sa palayaw na BBM) sa Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).

Nailabas na ni BBM ang kanyang mga ebidensya at argumento upang patunayang totoo ang kanyang inihaing kaso laban kay Leni.

Nagpadala na rin si Leni ng kanyang mga batayan at kontra – argumento sa PET.

Ngayong nagsimula na ang operasyon ng Korte Suprema, palagay ko, hindi masamang manawagan sa mga mahistrado na magpasya na ito hinggil sa inireklamo ni BBM na ginawang ‘krimen’ ni Leni noong 2016.

Higit na mahalaga ang reklamo ni BBM sa ‘pandaraya’ ni Leni noong halalang 2016 kaysa petisyon ng ABS-CBN hinggil sa prangkisa nito, sapagkat ang pinag-uusapan dito ay pandaraya sa eleksyon.

At ang pandarayang ito ay may kinalaman sa ikalawang pinakamataas na posisyong halal sa pamahalaan.

Kung ikalawang posisyon, nangangahulugang isyu itong apat na taon nang inaabangan ng 110 milyong Filipino.

Hindi ito katulad ng problema ng pamilya Lopez na mahigit 11,000 manggagawa ang nag-aabang sa prangkisa ng ABS-CBN na sa totoo lang mahigit 2,000 lang ang regular at lahat ay kontraktuwal na.

Syempre, nag-aabang ang mga nagmamay-ari at namamahala ng ABS-CBN, kabilang na pangulo at chief executive officer nito na si Carlo Lopez Katigbak.

Ang inaabangan sa reklamo ni BBM ay interes ng Pilipinas bilang bansa at interes, kagalingan at kahihinatnan ng milyun-milyong Filipino hanggang Hunyo 30, 2022.

Kaya, hindi kalabisang sabihin kong higit na mahalaga ang ikinaso ni BBM laban kay Leni, sapagkat kumbinsidung-kumbinsido ang kandidato sa pagkapangalawang pangulo ng bansa na mayroong naganap na ‘malaganap’ na krimen noong halalang 2016.

Ang totoo, napakahalaga ang isyung ito kaysa negosyo nina Gabby Lopez.

Ito’y dahil hindi pera ang i naabangan ni BBM, kundi katotohanan at katarungan sa halalan at milyung-milyong Filipino.

Sa prangkisa ng ABS-CBN, bilyun-bilyong pera ang totoong hinahabol ng pamilya Lopez, kabilang na ang kinikita nila sa ibang bansa na libre sa buwis sa Pilipinas dahil iyan ang nakasaad at deklarasyon ng National Internal Revenue Code of 1987.

Ngayon, kayo na ang magpasya at magsalita kung totoo ang pananaw ko o hindi.

Hindi kailangang maka-BBM o kontra-BBM, sapagkat hindi ito ang isyu.

Ang isyu, uulitin ko, ay ang katotohanan at katarungan sa halalang 2016 para sa interes, kagalingan at kinabukasan ng Pilipinas at milyun-milyong mamamayang Filipino.

176

Related posts

Leave a Comment