YOUTUBE MUNA BAGO TULONG?

AKO OFW

DAGDAG na kita ang hanap ngayon ng mga OFW dahil karamihan sa kanila ay talagang naapektuhan ng ‘No-Work, No Pay’ policy.

Marami ng OFW ang sumubok na online selling katunayan maging ang kanilang mga lumang damit at kasangkapan ay ibinebenta na rin.

Meron din namang mga OFW na bihasa sa information technology ang nagsimula na rin mag-’monetize’ ng kanilang YouTube account.

Ang pag-monetize ng isang YouTube account ay nakakamit lamang kung mapapansin ng YouTube administrator na ang iyong YouTube account ay tinatangkilik ng maraming subscriber o followers. Nakadepende ito sa mga istorya na iyong ilalagay sa YouTube channel at sa bilang ng minuto na pinapanood ito ng subscriber .

Para mapabilang sa YouTube Partner Program at mabayaran ng $1 kada 1,000 na viewer ay dapat na mapanood ng 5- 30 minuto ang video post.

Malinis na kitaan ika nga ang bayad mula sa YouTube, ngunit sa nakakaraan mga linggo ay kapansin-pansin na pati ang mga paghingi ng saklolo ng mga OFW ay inilalagay na muna sa YouTube at sadyang ipinapakalat bago pa man iparating sa mga ahensya na dapat na hingan ng tulong.

Sa aking pananaw, hindi ito katanggap-tanggap dahil kahit kailan ay hindi dapat ginagawang hanap-buhay sa kahit anong paraan ang paghingi at pagbibigay ng tulong lalo na kung ito ay may kinalaman sa mga sawimpalad na OFW.

Kung talagang ang pakay ay matulungan ang mga OFW na humihingi ng saklolo, dapat na una itong ipaalam sa kinauukulan lalo na sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Embassy.

Sa pamamaraan kasi ng YouTube, kinakailangan pa na ibandera nang husto sa publiko ang kinasasadlakan ng sawimpalad na OFW. Ang hangarin nito ay paramihin ang manonood at patagalin ito na naka-post para kumita ang may-ari ng YouTube Account.

Maisip sana ng mga gumagawa nito na sa oras na matapos na ang problema ng kaawa-awang OFW ay patuloy pa rin siyang mapag-uusapan at patuloy na magpapakalat-kalat sa social media ang kanyang naging kapalaran bagay na hindi na niya maiaahon ang kanyang sarili sa mga tsismoso/tsismosa sa kanilang probinsiya.

Alalahananin sana ng mga taong gumagawa nito na ang bawat OFW na nasasadlak sa problema sa ibang bansa ay may mga magulang, kapatid o anak na maaring madamay sa mga usapin na lalo lamang magpapahirap sa kanilang kalooban at maaari ring makaapekto sa kanilang relasyong pampamilya.

Simple lang naman ang mga impormasyon na kinakailangan na iparating sa POLO-OWWA, kabilang dito ang FB Account name, kumpletong pangalan at telepono, bansa kung saan naroroon, pangalan ng employer at telepono at kalakip ang reklamo ng OFW.

116

Related posts

Leave a Comment