MALAKANYANG DEDMA SA PANAWAGAN NA IBASURA ANG ANTI-TERROR BILL

DEDMA lang ang Malakanyang sa panawagan ng iba’t ibang sektor kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na i-veto ang kontrobersiyal na anti-terrorism bill.

May ulat kasi na sinabi ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na ang nasabing bill ay naglalaman ng probisyon na labag sa karapatan ng mamamayan habang para naman sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), ang anti-terrorism bill ay posibleng paglabag sa Saligang Batas.

“Wala pong reaksiyon, kasi wala pang desisyon. So, kung napirmahan na po iyan ng Presidente at saka po tayo magbibigay ng reaksiyon. Pero nagpapasalamat po kami sa Simbahang Katolika sa kanilang mga reminders,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Ang katotohanan aniya ay kapag naman naisabatas ang anti-terrorism bill ay pupuwede naman aniyang magdemanda ang mga tumutuligsa at umaayaw sa nasabing batas dahil gumagana naman ang mga hukuman.

Kung mayroon aniya talagang probisyon na labag sa Saligang Batas ay madedeklara naman ito na unconstitutional.

“Uulitin ko po, hindi po iyan imposibleng mangyari. Ako po iyong kauna-unahang nakakuha ng desisyon sa kaso ng David vs Arroyo, na iyong isang declaration na ginawa ni dating Presidente GMA ay labag sa Saligang Batas dahil walang depenisyon ang terorismo noong mga panahong iyon,” lahad ni Sec. Roque.

“Ang pagkakaiba nga lamang po noon at ngayon ay nagkaroon na po ng depenisyon ang terorismo hindi lang po sa Pilipinas kung hindi sa UN system. So, napakahirap po sigurong manalo muli gaya noong nangyari sa amin noong kaso ng David vs Arroyo,” dagdag na pahayag nito.

Sumama na rin ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa dumaraming grupo na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto na lamang nito ang anti-terrorism bill.

Ayon sa CBCP Committee on Basic Ecclesial Communities (CBCP-CEC) naglalaman ang nasabing panukalang batas ng probisyon na lumalabag sa karapatang pantao.

Ilan sa tinukoy dito ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga militar o sinumang law enforcement agent na basahin o panghimasukan ang mga pribadong mensahe ng kanilang pinaghihinalaang terorista.

Nauna nang sinabi ng IBP na naglalaman ang nasabing panukalang batas ng probisyon na lumalabag sa Konstitusyon. CHRISTIAN DALE

145

Related posts

Leave a Comment