WALA pa ring pag-asa na makapasada ang mga jeepney driver kahit pa niluwagan na nang bahagya ang community measures sa malaking bahagi ng bansa.
Hindi na rin kinuha ang mga ito bilang mga contact tracer.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na tinitingnan ng pamahalaan na kunin ang mga ito bilang delivery man.
“Hindi na po contact tracers, sila po ay plano na ngayon na – ito mas mukhang viable – delivery service ang tinitingnan para sa ating mga jeepney driver,” aniya pa rin.
Pero sa ngayon aniya dahil sa social hygiene at social distancing ay hindi pa rin papayagan na makapasada ang mga jeepney driver.
“Nasa bottom pa rin ng hierarchy of transportation mode ang mga jeepney; bagama’t sa mga probinsya, kung wala talagang bus at ibang mga pamamaraan ng transportasyon… Uulitin ko: Sa probinsya kapag wala nang ibang transportasyon ay pinapayagan naman ang jeepneys. Ang talagang isyu ay dito sa Metro Manila,” paliwanag ni Sec. Roque. CHRISTIAN DALE
