HINDI pa maaaring pairalin ang new normal sa Metro Manila ngayong buwan ng Hunyo.
Ito, ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ay dahil wala pa ring lugar sa ngayon ang handa sa bagong normal bunsod ng malaking bilang ng “fresh cases” ng COVID-19 na naitatala.
Ang new normal ay paiiralin matapos alisin sa modified general community quarantine (MGCQ) ang isang lugar.
Ayon kay Sec. Año, posibleng isailalim ang ilang lugar sa Pilipinas sa “new normal” o wala nang pinaiiral na lockdown ngunit may ipinatutupad pa ring minimum health standards pagsapit ng buwan ng Hulyo.
“So, ang tinitingnan natin, sa July pa talaga magkakaroon ng new normal na ga-graduate sa MGCQ,” wika ni Año.
Sa ngayon ay inaabangan na ng milyon residente ng Metro Manila ang pahayag ng Malacañang kung magpapatuloy ang umiiral na GCQ o tuluyan nang luluwagan ang pinaiiral na community quarantine.
Subalit, base sa mga pag-aaral at science-backed analysis, malaki pa rin umano ang tsansa na manatili ang Mega Manila sa GCQ sa kabila ng paminsan-minsan ay mataas pa ring bilang ng mga nadadagdag na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, na siya ring National Task Force chairman on COVID-19, mas pabor umano ito sa modified general community quarantine (MGCQ) o mas maluwag na sitwasyon, kung saan maraming aktibidad ang mapapayagan na may kaakibat na minimum health standard.
Mas mahalaga aniya na sabay matutukan ang pagbabantay laban sa COVID-19 pandemic at ang pagbuhay sa ekonomiya.
Sa huling ulat, ay nasa 13,000 total COVID-19 cases sa Metro Manila, may naitalang 763 deaths at 3,716 recovered.
“We were doing OK, but because we eased up… the numbers rose,” pahayag naman ni SILG Año.
Naniniwala ang kalihim na posibleng manatili ang National Capital Region sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) dahil posible umanong dumami ang COVID-19 cases kapag niluwagan ang quarantine protocol.
Sa kanyang pananaw, sinabi ni Sec. Año na dahil sa pagtaas pa rin ng kaso sa NCR ay mainam na panatilihin ang nakalatag na health and security measures.
“Ang aking pananaw kasi, although i-compare mo yung trend, mas mababa yung numero kung overall pero wala pa siyang downtrend eh, patuloy pa ring may fresh or new cases,” ani Año.
“If we are going to relax it now, baka mabulunan o madapa. Baka okay na tayo pero dahil niluwagan mo, magkaroon ng mas marami,” saad pa ni Año.
Maging si Presidential spokesperson Harry Roque ay nagpahayag ng pagdududa kung magsi-shift ang Metro Manila at Cebu City sa relaks na MGCQ.
“Tama po kasi ‘pag nag-MGCQ, ‘yung public gatherings up to 50% papayagan na. Ang transportasyon 50 to 100[%] na at pati ‘yung sinehan at pagsimba ay papayagan na at 50% capacity,” anito.
“Pero ‘yung numero ng Metro Manila at Cebu ay parang hindi pa akma na magbukas nang ganyan. Pero bahala nga po ang Presidente kasi binabalanse natin ang ekonomiya at sapat naman ang kakayahan magbigay ng medical doon sa magkakasakit ng critical, ‘yung critical care capacity natin,” ayon pa kay Sec. Roque.
“It’s a gamble po na hinayaan natin ang Presidente na magdesisyon,” pahayag ni Sec. Roque.
Aniya pa, habang ang public health ay mahalaga ay ‘equally important’ din na ikonsidera na manatili ang Metro Manila sa ilalim ng quarantine dahil sa ekonomiya. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
