ARESTADO ang 12 katao sa isinagawang operasyon ng mga pulis laban sa tupada sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City, sa kabila na ipinagbabawal na pagtitipon dahil sa COVID-19.
Ayon kay Valenzuela City Police chief, Col. Fernando Ortega, Linggo ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB), sa pangunguna ni P/Capt. Marissa Arellano, ng operasyon laban sa tupada sa Washington Drive, Brgy. Lawang Bato.
Nang mapansin ng mga nagtutupada ang presenya ng mga pulis ay mabilis na nagpulasan ang mga ito sa magkahiwalay na direksyon.
Gayunman, nadakip ng mga pulis sina Allan Milagrosa, 55; Jay-ar Bluza, 28; Eugene Mendoza, 42; Oscar Mendoza, 65; Roman Lim, 49; Jon Ray Baldado, 26; Marvin Balbestamin, 23, at Olibert Vicillia, 36-anyos.
Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang panabong, dalawang tari, at P5,000 cash.
Samantala, nadakip din ng mga pulis sina Francis Sagino, 41; Jose Francisco, 46; Glen Rivera, 34; at Tranquilino Dangud, 40, nang maaktuhang nagtutupada sa Montecarlo St., Ciudad Grande, Brgy. Lingunan.
Nakumpiska sa kanila ng pulisya ang dalawang panabong, dalawang tari at P3,300 cash.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling, at City Ordinance no. 673 (social distancing). (FRANCIS SORIANO)
